Ni: Jesse C. Ong
Pangako ng milyun-milyong trabaho sa ilalim ng ‘Dutertenomics’
MALIBAN sa pagsugpo sa talamak na problema sa iligal na droga, kabilang sa mga pangunahing adhikaing seryosong isinusulong ng administrasyong Duterte sa kasalukuyan ay ang pagpapasigla ng ekonomiya ng bansa.
Napakaiksi lamang kung tutuusin ng panahong inilaan ng pamahalaan para makamit ng Pilipinas ang inaasam na pag-unlad sapagkat taong 2022 ang itinakda para makaagapay man lamang ang bansa sa mas progresibo nitong mga kapitbahay bilang isang “high middle-income economy” pagsapit ng nasabing panahon.
Sa ambisyosong mithiing ito ibinatay ang pagbalangkas sa economic policy ng Duterte administration na tinaguriang “Dutertenomics”.
Ayon kay Finance Secretary Carlos Dominguez, binubuo ang “Dutertenomics” ng mga economic strategy para makamtan ang high-income economy status sa loob ng isang henerasyon. Naunang ipinakilala ang nasabing polisiya noong April 18, 2017 sa isang forum na ginanap sa Conrad Hotel sa Pasay City. Muli itong tinalakay sa ikalawang forum na isinagawa noong April 25, 2017.
12 MILYONG TRABAHO SA LOOB NG LIMANG TAON
Nakapaloob bilang isa sa mga pangunahing bahagi ng “Dutertenomics” ang “Build, Build, Build” Infrastructure Plan na sinasabing magpapasimula sa “Golden Age of Infrastructure” sa bansa. Layon nitong ibsan ang kahirapan, magsulong ng kaunlarang pang-ekonomiya at bawasan ang pagsikip ng trapiko na nararanasan sa Metro Manila.
Ipinagmalaki ni Labor Secretary Silvestre Bello III na lilikha ang naturang infrastructure plan ng hindi bababa sa 12 milyong mga bagong trabaho sa susunod na limang taon.
Ani Bello, karamihan sa mga bagong trabaho ay magmumula sa larangan ng manufacturing at construction, kung saan ay makikinabang nang husto ang mga karpintero, welders, tubero at electricians.
“Tutugunan nito ang tampok na mithiin ng Pangulo na mapabalik sa bansa ang mga Pinoy na nasa iba’t ibang panig ng mundo. Nais ng Pangulo na makapagbigay ng mga trabahong may maayos na suweldo kaya’t lahat ng mga manggagawang Pilipino ay uuwi na ng Pilipinas,” pahayag nito.
Tinatayang mayroong 10 hanggang 12 milyong Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa.
PAGKUKUNAN NG PONDO SA INFRA BUILDUP
Napakaganda ng pangako ng pag-unlad na hatid ng infrastructure buildup na nasa ilalim ng “Dutertenomics”, ngunit ang tanong: “May mapagkukunan ba ng pondo ang pamahalaan para rito?”
Pagtiyak ni Dominguez, magkakaroon ng sapat na panustos ang Duterte administration para ganap na maipatupad ang infrastructure plan, at ito’y magmumula sa kikitain ng pamahalaan sa comprehensive tax reform at local borrowings upang maiwasang higit na mabaon sa utang kasabay ng pangangalap ng karagdagang loan mula sa China.
“Sasamantalahin ng pamahalaan ang excess liquidity sa lokal na merkado sa pamamagitan ng panghihiram ng 80 porsyento sa mga bangko at ibang financial institutions dito. Dalawampung porsyento lamang ang ating hihiramin sa overseas lenders,” wika ni Dominguez.
Ito umano ang borrowing program na gagamitin ng gobyerno sa loob ng susunod na anim na taon sa pagtustos sa tatlong porsyentong budget deficit taun-taon upang makapagpatayo ng mas maraming imprastraktura.
Kasabay nito, siniguro ni Dominguez na magpapatupad ng ibayong pagtitipid ang pamahalaan para matiyak na ang public investments nito sa infrastructure ay makalikha ng mas maraming trabaho at oportunidad sa pagnenegosyo na makakapagpanatili sa growth momentum ng bansa at makakapagpabilis sa pagbawas ng kahirapan.