Hindi pa rin daw nakakalimutan ni 2015 Miss Universe Pia Wurtzbach ang responsibilidad nito bilang Goodwill Ambassador for Asia and the Pacific ng United Nations program on HIV and AIDS (UNAIDS).
Ito’y sa kabila ng pagkaabala nito sa kanyang charity projects at modelling contract sa abroad.
Sa post ng larawan ng Pinay Miss Universe, ipinakita nito ang pagsabak sa live HIV o (human immunodeficiency virus) testing sa Taguig City.
Ayon sa 27-year-old beauty queen, libre at maaasahan ang anumang resulta ng HIV test, na nais nitong tularan ng iba.
Una nang inihayag ni Wurtzbach na nais niyang ipanukala ang pagbaba sa edad ng mga nagpapasuri ng hiv/aids test dahil sa tumataas na bilang ng mga menor de edad na maagang nagbubuntis.
Kasama rin ni Pia bilang Goodwill Ambassador ng UNAIDS ang ilang Hollywood stars gaya nina Emma Watson, Victoria Beckham, at iba pa.