PINAS

Pilipinas, kinondena ang suicide bombings sa Pakistan at Nigeria

Bagama’t walang Pilipino na nadamay ay mariing kinondena ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang suicide bombings ng Islamic extremist na nangyari sa Pakistan at Nigeria kung saan mahigit limampung katao ang nasawi habang mahigit isandaan naman ang nasugatan.

Ayon kay Foreign affairs secretary Alan Peter Cayetano, nakikkisa ang Pilipinas sa international community sa  pagkondena laban sa marahas  na ginawa ng mga terorista sa naturang bansa.

Sinabi din ng naturang kagawaran na isang babaeng suicide bomber ang umatake sa palengke sa Maidoguri ng Northeast Nigeria noong Martes at dito dalawampu’t pito ang nasawi habang marami ang sugatan.

Maliban dito naiulat din na may dalawa pang suicide bomber ang umatake na malapit sa refugee camp na ikinasugat din ng mga biktima.

Isang suicide bomber naman sa Pakistan ang naitalang  umatake sa military convoy na ikinasawi rin ng labinlimang katao at apatnapung iba pa ang sugatan.

Bunga nito ikinababahala na rin dfa ang pagkalat ng mga terorista na umaatake sa iba’t ibang panig ng mundo  kung saan naroon ang Overseas Filipino Workers (OFW’s).

Una na rin nanawagan ang DFA sa sampung milyong Pilipino na nasa buong mundo na maging alerto at maging mapagbantay kaugnay  sa sunod-sunod na naiiulat na  terror attack.

Nakatutok na rin ngayon ang DFA sa iba pang mga bansa na may malimit na pag-atake na madalas na nangyayari sa Africa at Middle East sa mga nakalipas na araw.