
NI: Ma. Leriecka Endico
ISANG dating OFW na nagtrabaho bilang chef sa Germany noong 2009, kinikilala ngayon sa larangan ng sining sa ibang bansa. Ang mga hinabing kawad ng 28 anyos na Pinoy na si Racso Jugarap ay nakarating na sa iba’t ibang tanghalan, bahay at opisina sa Belgium, France, Italya hanggang sa New York at California ng United States.
Hindi kailanman pumasok sa pormal na eskwelahan ng sining si Racso. Ngunit noong siya ay bata pa, madalas nitong pagluruan at kuti-kutiltilin ang mga tirang kawad ng kanyang magulang mula sa kanilang paggawaan ng alahas sa General Santos City.
“Wires has always been the medium that I love incorporating with my designs. They are so flexible, can be bent in different lines, shapes and images.” sabi niya sa kanyang instagram account.
Matapos ang ilang taon na pagtatrabaho bilang chef, lumabas ang husay nito sa larangan ng sining. Noong nakaraang taon, nagdesisyon si Racso na yakapin ang tunay niyang hilig at naging ‘full-time’ na manghahabi ng kawad, sa silong ng kanyang tinitirahan sa Germany.
Katulad ng ibang kwento ng tagumpay, nakaranas din si Racso ng pagkabigo. Inialok ni Racso ang kanyang kauna-unahang proyekto, isang kawad na hinabing hugis itlog ng ostrich, sa dalawang daanang museo sa Belgium. Sa kasamaang palad, siya ay tinanggihan at hindi binigyan ng pansin.
Ngunit lalo lang itong nagpalakas sa determinasyon ni Racso. Matapos ang ilang pagpapadala ng email sa mga museo, nagsimula rin siyang magpost ng kanyang mga gawa sa social media. Hindi nagtagal, napansin ng isang ‘home design gallery’ sa New York City ang kanyang proyekto na ‘ostrich egg’ at kinalat sa social media. Matapos nito, nakatanggap ng maraming imbitasyon si Racso mula sa iba’t ibang tanghalan sa Belgium at iba pang bansa sa Europa.
“Stop doubting yourself, work hard, and make it happen.” Ani ni racson sa instagram.
Sa ngayon, mayroon ng sampung iba’t ibang hinabing kawad si Racso at bukod sa mga disenyo sa bahay ay gumagawa na rin siya ng mga ‘accessories’ na susuotin ng mga ‘performers’.
Kasalukuyang naka-base ngayon si Racso sa Brussels, Belgium at nakatakdang magtanghal ngayong Agosto sa Brussels Expo at sa Maison et Objet sa Paris sa susunod na buwan.