PINAS

Pondo ng Presidential Communications Operations Office, ipare-repaso ng Kamara

Dahil sa nakakahiyang usapin ng palpak na post ng Philippine News Agency (PNA) sa website nito kamakailan lang, mismong si Sec. Martin Andanar ng Presidential Communications and Operational Office (PCOO) ay aminadong kulang ang kaniyang ahensiya sa mga makabagong kagamitan upang makipag-kompetensiya sa ibang private communications entities sa bansa.

Sa deliberasyon ng P1.351-bilyong alokasyon ng PCOO para sa 2018, sinabi ni Andanar na matagal nang panahon na napabayaan ang communications department ng pamahalaan na siyang nagdudulot ngayon ng kahihiyan sa publiko.

Dahil dito agad na hiniling ni Bukidnon Rep. Manuel Zubiri sa komite na repasuhin ang maliit na alokasyon sa PCOO dahil ito aniya ang frontliner ng gobyerno at nagpapahatid ng impormasyon sa may 100.3-milyong mga Pilipino.

Ani Zubiri, higit na maibibigay ng mga empleyado ng communications department ng pamahalaan kung maibibigay sa kanila ang sapat na suporta gaya ng pasahod at pasilidad.

Matatandaang, naging usap-usapan ng marami ang palpak na posting ng mga editors ng Philippine News Agency kamakailan kung saan aksidenteng naikabit ang logo ng DOLE Philippines sa istorya ng Department of Labor and Employment o DOLE.

Ayon sa PNA, nagbuo na sila ng editorial board upang masigurong tama ang lahat ng mga inilalathala na impormasyon sa publiko.