Ni: Joyce P. Condat
Marami ka bang mapupulang patse-patse na nakikita sa iba’t ibang bahagi ng iyong katawan? Kung ito ay mahapdi, makirot, ngangaliskis, nangangati at namamaga, baka psoriasis na ‘yan! Ilan lamang ‘yan sa mga sintomas ng sakit na ito.
Tumutubo ang mga bagong skin cells sa kailaliman ng ating balat at ‘di katagalan ay lumalabas din. Ang mga dead skin cells na pinalitan ng mga bagong skin cells ay natatanggal sa ating balat. Ang cycle na ito ay nangyayari sa loob ng isang buwan. Hindi normal ang life cycle ng balat ng mga taong may psoriasis. Mabilis ang produksyon ng kanilang skin cells kaya’t wala nang panahon upang matanggal pa ang mga dead skin cells. Naiipon at namumuo ang mga dead skin cells dahilan upang magkaroon ng mga makaliskis na tila bukol-bukol na patse ang kanilang balat.
Ang Psoriasis Awareness Month ay ginaganap taon-taon tuwing buwan ng Agosto. Ito ang ilan sa mga bagay na dapat nating malaman tungkol sa karamdamang ito.
- MAY IBA’T IBANG URI NG PSORIASIS. Ito ay ang plaque, guttate, pustular, inverse, at erythrodermic psoriasis. Ang plaque psoriasis ang pinaka-karaniwang uri sa lima. Ayon sa healthline.com, mahigit 80% sa mga may ganitong sakit ang may ganitong uri ng psoriasis. Ang guttate psoriasis naman ay kadalasang natatagpuan sa mga bata habang ang pustular psoriasis ay karaniwang makikita sa mga matatanda. Ang inverse psoriasis naman ay mahapdi at matitingkad na namumulang patse-patse na madalas makikita sa dibdib, kilikili, at pribadong parte ng katawan. Samatala, ang erythrodermic psoriasis naman ang pinakabihirang makita. Sinasakop ng mga makakati at mahahapding patse-patse ang buong katawan ng taong may ganitong uri ng sakit.
- ANG PSORIASIS AY HINDI NAKAKAHAWA. Hindi ka mahahawaan ng taong may psoriasis sa pamamagitan ng physical contact. Totoo ngang nakakadiri itong tignan ngunit hindi natin dapat pandirihan ang mga taong may ganitong karamdaman.
- WALA PANG GAMOT NA MAKAKAPAGPAWALA NITO SA KASALUKUYAN. Ngunit may mga gamot upang makontrol ang sakit na ito. May mga creams at lotions na maaaring gamitin upang mapahupa ang pangangati nito. Meron ding mga shampoo para sa mga taong may psoriasis sa anit. Nakadepende ang medikasyon sa kondisyon ng psoriasis at ayon na rin sa ikinonsulta sa doktor.
Patuloy pang pinag-aaralan kung ano ang ugat ng sakit na ito. Ayon sa ilang pag-aaral, maaaring hereditary ang sakit kaya’t mahalaga ang genetic background ng pamilya ng taong may psoriasis. Gayunpaman, panatilihin nating malusog at makinis ang ating balat. Kumonsulta sa pinakamalapit na dermatologist upang mabigyan ng tamang lunas.