PINAS

Rebisyon ng ‘tax rules’ sa balikbayan box, hiniling ni Sen. Angara

NI: Ma. Leriecka Endico

ISANG taon na ang nakalilipas matapos pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) o Republic Act 1086 noong Mayo 2016. Sa ilalim ng batas na ito ay ang Customs Administrative Order No. 5-2016, na pinirmahan naman ng Department of Finance (DOF) at Bureau of Customs (BOC) noong Disyembre 2016. Kabilang dito ang implementasyon ng ‘tax-free’ balikbayan boxes na may alituntuning “all balikbayan boxes per sender in any calendar year shall not exceed P150, 000”.

Nais ni Sen. Sonny Angara ng rebisyon dahil salungat umano ito sa intensyon ng CMTA na gawing ‘tax-free’ ang balikbayan boxes na may “halagang P150,000 times three kada taon, at hindi P150,000 divided by three”, ani niya sa gitna ng oversight committee hearing para sa pagsusuri ng implementasyon ng CMTA.

“Ang bawat balikbayan box ay karaniwang naglalaman ng P80, 000 worth of items. Talagang pinag-iipunan po ito ng ating mga magigiting na OFW. Kung kaya, para dagdag pakunswelo sa kanila, ginawa nating P150, 000 ang tax-free kada kahon” dagdag pa niya.

Ipinaliwanag naman ni Sec. Mark Joven, kalihim ng DOF, na mayroong “ambiguity” sa lenggwahe ng batas na nagdulot ng misinterpretasyon sa nasabing probisyon.

Hinimok ng senador ang BOC at DOF na bigyan ito ng solusyon sa medaling panahon, dahil paparating na ang kapaskuhan kung saan maraming OFWs ang nagpapadala ng regalo sa kanilang mga mahal sa buhay sa Pilipinas.

“Noong nakaraang taon pa namin naipasa ito. Sana ay mapakinabangan na ngayon ng ating mga OFW ang mga benepisyong hatid ng batas na ito.” ani ng senador.