Ni: Ez Cunanan
Sa kampanya pa lang ng US President na si Donald Trump, umani na ng sandamakmak na batikos ang plataporma niya lalo na ang patungkol sa immigration sa kaniyang bansa. Sa pagkapanalo ni Trump, mas lalong tumibay ang pangamba ng marami. Guguho kaya ang pangarap ng nakakarami na makapagtrabaho, makapag-aral o manirahan sa Amerika, sa panahon ni Pangulong Trump?
Noong ika-13 ng Pebrero, 2017, inilatag ang panukala hinggil sa immigration bilang S. 354. At nito lamang ika-2 ng Agosto, muling naalarma ang sanlibutan nang ilabas ng dalawang senador ang revised edition ng naturang panukala. Kinilala ito bilang S. 1720, o Reforming American Immigration for Strong Employment Act o RAISE. Akda ito ng dalawang amerikanong senador na sina Republican Tom Cotton ng Arkansas at David Perdue ng Georgia.
May layon ang panukala na bawasan ang dami ng ‘legal immigrants’ sa Amerika. Lilimitahin ng hanggang limampung bahagdan o 50% ang mga imigrante sa pamamagitan ng pagbawas sa green cards na ilalaan para sa kanila. Dagdag pa nito, lilimitahin din ang refugee admission mula sa application na higit sa isang milyon noong mga nakaraang administrasyon, at bababa ito hanggang sa 50,000 katao lamang. Ihihinto na rin ang paggamit ng visa diversity lottery. Ang panukalang ito ay pipigil din sa pagkakataong makapag-apply ng permanent lawful residency status ang mga kapatid at mga anak ng mga American citizens at mga legal permanent residents.
Ayon sa mga opisyal ng administrasyong Trump, ang panukalang ito ay magdadala ng pag-asang gumanda ang ekonomiya ng Estados Unidos at magpapataas pa umano sa kita ng mga legal na nagtatrabaho sa bansa.
Bagama’t may mga grupong sang-ayon sa panukala, tulad ng NumbersUSA at Federation for American Immigration Reform, taliwas naman ito sa paniwala ng marami na hindi ito pabor sa Amerika. Sa pahayag kay Democratic National Committee Chairperson Tom Perez, aniya, “Trump wants to tear apart communities and punish immigrant families that are making valuable contributions to our economy.” May halos 1,400 ekonomista rin ang nagpahatid ng mensahe kay Pangulong Trump na ang pagbabawas umano ng mga imigrante papasok sa Amerika ay malaki ang magiging ‘negative impact’ sa pagtaas ng Gross Domestic Product ng bansa. Anila, mababale-wala ang “broad economic benefit that immigrants to this country bring.”
Epekto sa mga Pilipino ng RAISE
Ano naman ang epekto nito sa mga kababayan nating mga Filipino? Malaki ang epekto, ayon kay Filipino Immigration Lawyer Lou Tancinco. Tinatayang may 400,000 Pilipino ang maaapektuhang makapagtrabaho o manirahan sa Amerika. “Immigrants without legal status become vulnerable even those without criminal cases. We see removal cases being filed and cases of Filipinos being sent back to the Philippines,” sabi ni Atty. Tancinco.
At sabi naman ng tanggapang National Immigration Law Center, ang panukalang ito ay “cruel at un-American.” Pahayag nila, “it would devastate families, eliminating the traditional and long-accepted means by which family members such as grandparents, mothers, fathers and siblings are able to reunite with their families who have emigrated to the United States.”
“This is ethnic cleansing as political policy. This bill do not want all these people who are high-skilled enough or have enough merit. Can you imagine how many Filipinos would be eligible to come the United States if this act would pass or would become law?” pahayag naman ng US-based filipino immigration rights activist na si Jose Antonio Vargas.
Malabong makapasa ang RAISE sa America
Bagama’t ang dalawang senador na may-akda ng immigration bill na ito ay parehong ‘Republican,’ kataka-taka lang na marami ring republicans ang hindi boto sa panukalang ito. Isa sa mahigpit na kalaban ng panukala ay ang grupong binansagan na ‘Gang of Eight’ (apat sa kanila ay democrats, at apat ay republicans) kung saan pito sa miyembro nito ay tutol sa panukala, at nagpapahiwatig na malayong pumasa ito sa mga mambabatas. Anila, mahihirapang makakuha ng 60% vote ang nasabing panukalang sinusuportahan ni Pangulong Trump.
Ayon kay Senador Lindsey Graham, isang kapwa-Republican na tulad ni Cotton at Perdue, at miyembro ng Gang of Eight, ang nasabing panukala ay magkakaroon ng “devastating effect” sa South Carolina na kaniyang nasasakupan. Ganun din ang paniwala ng ibang mga mambabatas sa Amerika—ang iba ay mga republicans, at karamihan ay mga democrats.
Hindi naman tikom ang bibig ng administrasyong Duterte hinggil sa panukalang ito. Sa katunayan, ayon kay Foreign Affairs spokesperson Robbie Bolivar, pinag-aaralang mabuti ng Pangulong Rodrigo Duterte na itatalakay niya ang panukalang ito mismo kay Pangulong Trump sakaling bumisita siya sa Maynila sa gaganaping Association of Southeast Asian Nations East Asian Leaders Summit, sa buwan ng Nobyembre.
“If we see that it would affect the interest of our kababayans then I’m sure the President will be taking that up with President Trump in a bilateral meeting.” ani Bolivar.