Ni: Cherry Light
Tiniyak ng Democratic People’s Republic of Korea foreign minister Ri Yong Ho na ipaparating nito sa Pyongyang ang hinaing ng mga foreign mnister sa ASEAN meeting hinggil sa missile test ng Nokor.
Ang naturang pahayag ni North Korean foreign minister Ri Yong Ho ay kasunod sa pakikipagpulong ni Foreign affairs secretary Alan Peter Cayetano bago naganap ang East Asia Summit Foreign Ministers Meeting sa Philippine International Convention Center.
Bilang chairman ng ASEAN foreign minister meeting, ipinarating ni Cayetano ang naging pahayag ng mga ASEAN foreign mnisters para ipaabot ang apela sa Nokor na tumalima sa UN security council resolution at sundin ang international laws.
Nagpaabot naman ng pasasalamat si minister Ri kay Cayetano sa naging pahayag at sentimyento ng mga foreign minister hinggil sa isyu ng Korean peninsula.
Kaugnay nito sa press briefing sa international media center ay tumanggi naman magbigay ng detalye pa si DFA acting spokesperson Robespierre Bolivar hinggil sa reaksyon ng Nokor sa naging usapan nila ni Cayetano.
Matatandaan nagpalabas ng panibagong resolusyon ang United Nations Security Council o sanction laban sa North Korea.
Kasunod ito ng intercontinental ballistic missile tests na inilunsad ng Pyongyang noong nakalipas na buwan.
Suportado naman ng Pilipinas ang naturang resolution laban sa Nokor.