PINAS

Shipment ban ng poultry products mula Luzon patungong Visayas at Mindanao, inalis na ng DA    

Inalis na ng Department of Agriculture (DA) ang transport ban ng poultry products mula Luzon patungong Visayas at Mindanao.

Subalit naglabas ng panuntunan ang DA sa pag-aalis nila ng shipment ban.

Ayon kay Agriculture Sec. Manny Piñol, maari lamang ibyahe ang mga poultry meat, day old chicks at mga itlog kung hindi ito nagmula sa 7 kilometer quarantine zones na itinakda ng DA sa Pampanga at Nueva Ecija kung saan merong bird flu.

Pinagbawal naman ng DA ang pagbiyahe ng balot kung hindi pa ito luto.

Dagdag din ng kalihim, kinakailangan munang kumuha ng cetificate mula sa mga regional at local veterinary officers bago makapagbiyahe ng produkto.

Samantala, ipinakita naman ni Piñol sa media ang resulta ng laboratory results galing Australia Animal Health Laboratory na nagkukumpirma sa presensya ng bird flu sa San Luis, Pampanga.

Anya, positibo sa Type A Subtype H5 ang samples na nakuha nila.

Gayunman, wala pa ring resulta kung anong strain mayroon ang virus dahil aabutin pa raw ng ilang araw bago pa makuha ang resulta ng swab test.

Sa panig naman ng nga poultry growers, nagpapasalamat sila sa DA sa pag-lift ng shipment ban dahil sa makakatulong ito sa industriya ng pagmamanok.

Bagamat lubos na apektado ng shipment ban ang kanilang negosyo, ay naniniwala naman ang poultry industry na makakabawi din sila sa lugi kapag nawala ng tuluyan ang bird flu.

Samantala, sa Commonwealth Public Market, patuloy paring umaaray ang mga nagtitinda ng manok dahil sa sobrang tumal ng kanilang benta.

Mula sa dating 140 to 150 pesos per kilo na kanilang benta, sumadsad ito ngayon sa 90-100 pesos ang kilo.