Ni: EZ G.
Ang negosyong shirt-printing ang isa sa pinaka-matatag at matagal ng industriya dito sa Pilipinas. Ang mga Pilipino, dala na rin marahil ng ating kultura at kinagisnan ay mahilig magbihis—at mahilig pumorma simple man o garbo ang okasyong pupuntahan, mamamasyal, maglalakbay o tamang maglalakwatsa lamang.
Dahil malinis sa katawan ang mga Pilipino, madalas itong maligo at maglinis ng katawan, mabilis magpalit ng damit. Kaya ang tipikal na Pilipino maraming supply ng damit sa kabinet. Ang good news dito, malaki ang oportunidad ng mga gustong magnegosyo ng shirt-printing dahil sa Pilipinas pa lang, ang tsansa na kita ay malaki na.
Dekada ’80—Pebrero 22, nangyari ang world-known People Power Revolution. Nag-martsa sa Edsa ang mga followers ng yumaong Cory Aquino upang patalsikin ang dating nakaupong Ferdinand Marcos sa pwesto. Libu-libo tao ang lumahok, ang karamihan, naka-T-shirt ng dilaw na may print ng mukha ni Ninoy Aquino.
Libu-libong printed yellow shirts ang lumabas sa kalye at sinuot ng mga Pilipino. Libu-libo—sa loob lamang ng ilang araw. Hindi pa kasama ang mga printed shirts na inilabas matapos ang matagumpay na pagluklok kay Mrs. Cory Aquino bilang pangulo matapos kay Marcos. Mula noon, naging simbolo na ang pagsuot ng mga printed shirts upang ipahiwatig ng mga Pilipino ang kanilang damdamin o saloobin sa anumang isyu ng lipunan.
Panahon ng eleksyon sa Pilipinas. Mapa-national man o local eleksyon, ilang milyong printed shirts ang lumalabas sa kalye na pinapamudmod ng mga politiko sa magkabilang panig. Masasabing swerte sa mga may negosyo ng pagimprenta ng mga political shirts dahil sa Pilipinas, hindi katulad sa Estados Unidos, higit sa dalawang partido ang naglalaban-laban sa pwesto. Ibig sabihin, sangkatutak ang maaaring maging customer sa pagiimprenta ng mga shirts.
Pagandahan ang labanan
Dagsa ang mga imprentahan sa bansa. Ang magandang balita, gaano man kadami ang imprentahan, madami pa rin ang populasyong hindi kayang suplayan ng mga imprentahan sa Pilipinas. At bagaman dagsa ang customers, may mga ilang shirt-printing shops ang nagsasara. Bakit kamo? Ang maaaring dahilan ay ang kakulangan ng customers o mamimili. Kung susumahin natin ang dahilan, marahil sa dami ng naglalaban-laban sa pagbebenta ng printed shirts, nagkakatalo sila sa kalidad ng gawa.
Pagdating sa kalidad ng gawa, hindi pahuhuli ang isang graphic designer sa pagsabak sa shirt printing na si Russell Craig Engalla. Nagbukas si Craig ng kaniyang shop sa Antipolo City nitong pebrero lamang. Subalit kilala na si Craig noon pa man sa larangan ng graphic designing at printing. Bata pa lamang pinasikat na siya ng kaniyang talento bilang isa sa pinaka-pulido at magaling na layout designer sa probinsiya ng Rizal.
“Nag-start ako sa designing at printing noong taong 2006 pa. Mula sa pagdrawing noong bata pa ako at designing nakapagtrabaho ako bilang graphic designer at tarpaulin machine operator. Around 2007 na-employ ako bilang graphic artist at video editor and at the same time freelance na graphic designer. 2014 naman noong nagstart na ako sa t-shirt printing in addition sa other services na tarpaulin and offset printing sa aming bahay,” sabi ni Craig. 2017 na nang magbukas siya ng kaniyang shop na Lithogratees na matatagpuan sa #21 P. Oliveros sa Barangay ng Dela Paz, sa Antipolo City.
Bagaman kakabukas pa lamang ng kaniyang shop, naging bahagi na agad siya ng printed-shirt craze na bumabalot ngayon sa ating bansa. Sa katanuyan, naging feature story siya kamakailan lamang sa “Umagang Kay Ganda” ng ABS-CBN sa anggulong pagprint ng kaniyang shop ng mga sikat na Duterte Shirts.
“Wala lang nakakatuwa lang isipin na magiging feature story agad ang shop at ang shirt-printing business namin,” dagdag pa ni Craig. Tinanong namin si Craig kung sa kaniyang opinyon, ano ang nagbunsod para mapansin sila ng show na ‘Umagang Kay Ganda.’
“Malamang kasi maganda ‘yung gawa namin,” pabirong tugon ni Craig, “…and something from me lang na alam ko I work with love ‘jan sa mga t-shirts namin,” nakangiting dagdag pa ni Craig.
Tatak ng good sportsmanship
Nagbabago ang mga trend sa ating lipunan. Ngayon, may mga ibang designed-crazed na indibidwal ang hindi lamang nagsusuot ng paborito nilang mga printed shirts, kinokolekta pa nila ito.
Tulad na lang ng ilang sports fans hindi lang dito sa Pilipinas kundi sa ibang bansa din. Nagiging simbolo ito ng kanilang accomplishments, at higit sa lahat, ng kanilang pagkatao.
Sa larangan ng World Football sikat ang Footballer na si Lionel Andres ‘Leo’ Messi, mas kilala ng kaniyang mga fans bilang “Messi,” isang Argentinian-born professional player na naglalaro sa Spanish Club FC Barcelona at miyembro ng Argentina National Team.
Hindi lang sumikat si Messi bilang isa sa pinakamagaling na footballer, nakilala rin siya sa buong mundo bilang isa sa pinaka-maraming koleksyon ng jerseys ng iba’t ibang koponan. Hindi niya ito binili, bagkus ito ay natanggap niya mula sa mga kalaban niyang player.
Naging ritwal na sa mga sports players tulad sa football, soccer, basketball at rugby ang magpalitan ng jerseys bilang pagpapakita ng good sportsmanship at respeto sa kalaban. Matapos ang dikdikang laban, nagiging parte na ng kamayan ng magkakatunggali ang magpalitan ng kanilang mga jersey at ipinamamana sa counterpart niya sa kabilang team. Isa si Messi sa nagtataguyod ng magandang sportsman’s behavior tulad nito.
Sports shirts at jerseys, nauusong collectible items
Ganun din si Alvin Oliveros ng Antipolo City, isang negosyante, photographer at collector ng mga sports shirts at jerseys sa kanilang lugar. Nagsimula ang kaniyang koleksyon sa pagsali niya sa mga liga mula nang siya ay binate pa hanggang sa siya ay mag-asawa.
“Maliban sa nagiging uniform ko sa basketball na liga, ‘yung iba sa collection ko ay binibigay sa akin, at ang iba naman, lakas-loob kong hinihingi sa mga players,” patawang pahayag ni Alvin. Isa na si Sunday Salvacion, dating player ng Barangay Ginebra Gin Kings sa PBA, ang nagbigay sa kaniya ng sarili niyang panlarong jersey. “Hindi ko makakalimutan siyempre ‘yung time na ibinigay niya ‘yung basketball jersey niya noong ma-interview namin siya bilang player noon ng Barangay Ginebra. Siyempre malaking bagay samin bilang fans ‘yung personal kang maabutan ng gamit nila bilang souvenir,” dagdag pa ni Alvin.
Sa pagkakataong ito, nagiging daan pa bilang ugnayan ng isang sikat na player at ng kaniyang fans ang isang printed jersey na noo’y gamit lang bilang ordinaryong panamit.
Pero hindi doon natatapos ang koleksyon ng mga sports shirts at jerseys ni Mr. Oliveros. Dahil fan din siya ng NBA, nangongolekta din siya ng mga NBA shirts at jerseys. Aniya, gumagawa siya ng paraan upang makakuha lagi ng mga bagong shirts at jerseys ng kaniyang mga paboritong NBA players. “Naghahanap ako sa kung saan-saan para makuha ko ‘yung mga jersey ng mga players ko (sa NBA). Mapa-sports shop pa yan, tiangge o pagwalang-wala, sa ukay-ukay. Pero unahan ‘dun. Kung minsan naman, kapag may budget at gusto ko talagang makakuha ng jersey, nagpapasadya talaga ako sa printing shop. Ang huli kong pasadya ‘yung shirt at jersey ng champion team ko—siyempre ang Goldenstate Warriors,” pahuling pahayag ni Alvin.
Dumadami na ang ganitong trend sa bansa natin. Sa Philippine Basketball Association pa lamang, dagsa ang fans ng Barangay Ginebra Gin Kings ang nagtatabi ng mga jerseys at t-shirts bilang collector’s item. Dahil sa trend na ito, ang printed shirts ngayon ay nagiging more than a commodity, nagiging collectible item na rin.
“Hindi lang kinokolekta—they really need it. Sa schools, family gatherings or reunions, batch shirts and other special occasions nila ginagamit,” dagdag pa ni Craig.
Hmm, mukhang maganda ang future ng shirt-printing.