Ni: Jesse C. Ong
Gaya ng kalakalan sa bawal na droga, sa kabila ng hindi na mabilang na operasyon ng pamahalaan laban dito ay patuloy pa rin ang talamak na bentahan ng mga ilegal na armas sa iba’t ibang panig ng bansa.
Mas mabilis kasi ang transaksyon dito sapagkat walang sangkot na mga dokumento at mabusising pagkalap ng lisensya. Idagdag pa ang katotohanang mas mabilis ang ikot ng kita rito bunsod ng mga tagong kalakalan.
Gayunman, ang pamamayagpag ng unregulated o hindi napapangasiwaang bentahan ng armas ay banta sa ating seguridad at kadalasang nag-uudyok sa ilan na maging marahas.
Nagiging madali para sa maraming armadong grupo at ilang indibidwal na magkaroon ng baril kaugnay ng malasadong pagpapatupad ng batas na sumasaklaw sa pagkakaroon ng armas.
Dito isinisisi ang paglaganap ng samu’t saring insidente ng krimen at maling paggamit ng mga armas na kadalasang nagreresulta sa kamatayan kundi man malubhang pagkapinsala ng ilang inosenteng indibidwal.
Sa kasalukuyan, hindi lamang mga alagad ng batas ang may baril kundi maging mga kababaihan (may asawa man o wala) na dumagdag sa talaan ng mga bumibili ng armas sa nakalipas na mga taon. Ang ibang gun owners ay kinabibilangan ng mga pulitiko, opisyal ng pamahalaan, mga hukom, mga artista at ibang sikat na personalidad, mga negosyante, at iba pa.
Karamihan sa mga nagmamay-ari ng baril ay mga taong nangangamba sa kanilang kaligtasan at sa kanilang ari-arian, at ang kaibahan ng mga ito sa mga pangkaraniwang mamamayan ay ang kanilang kakakayahang bumili ng mga armas sa legal na pamamaraan.
Ang isang ordinaryong baril ay maaaring mabili sa halagang P10,000 o mas mababa pa.
Saan makakabili ng mga armas
Kung padadaanin sa legal na proseso, maaaring makabili ng baril sa ilang provider na ipinapatalastas ang kanilang serbisyo sa online o sa pamamagitan ng ilang informal networks na siya na ring mag-aasikaso ng pagkuha ng lisensya at permit to carry.
Mayorya ng mga armas na kumakalat sa tinaguriang grey market ay napupunta sa mga kamay ng pribadong indibidwal, habang ang ilang mga baril na iligal na ibinebenta sa tagong merkado ay napupunta sa ilang threat groups gaya ng New People’s Army (NPA), Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Abu Sayyaf.
May mga datos na nagpapakitang mayroong halos 1,906,000 ilegal na mga armas sa bansa, o halos doble ng kabuuang bilang na 910,000 ng mga legally-registered firearms.
Ilang mga baril, pinalulusot sa Pier South?
Taliwas sa paniniwala ng ilan, karamihan sa mga iligal na armas na patagong ibinebenta ay hindi nagmumula sa Danao sa Cebu kundi sa Pier South sa Maynila. Puslit umano ang mga ito sa legal imports at government procurement. Wala rin itong kaugnayan sa smuggling operations sa katimugan kundi sa pormal na import at export business sa norte.
Ang Pilipinas ay kilalang tagapagluwas ng mga baril sa ibang bansa, partikular na sa North America, Southeast Asia, Middle East at Africa. Kinabibilangan ito ng mga armas na mina-manufacture mismo ng Armscor at ginagamit ng Thailand Police Force.
Sanhi ng pagkalat ng mga ilegal na armas
Ang suliranin sa pagkalat ng mga ilegal na armas ay pinalalala ng kahinaan ng pagpapatupad ng mga batas kaugnay nito.
Isang halimbawa ang kawalan ng wastong pag-imbentaryo sa mga armas na nabawi mula sa ilang kriminal na grupo at mga rebelde. Ang paulit-ulit ding pagpapatupad ng gun amnesty ay nakadaragdag din sa bilang ng mga nagkakabaril nang hindi naisasaalang-alang ang mga armas na naunang lisensyahan ngunit hindi sumailalim sa paunang rehistro.
Nararapat na bigyan ng mas seryosong pansin at agarang karampatang tugon ang mga nabanggit na isyu sapagkat ang paghadlang sa pagkalat ng mga ilegal na armas ay hindi lamang makapipigil sa kaganapan ng mga krimen kundi makakapagpadama rin ng ganap na kapangyarihan ng pamahalaan sa pagpapatupad ng batas.
Kinakailangan ng Philippine National Police na mahigpit na ipatupad ang re-registration ng lahat ng mga armas upang matukoy ang pagmamay-ari ng mga ito, maisaayos ang ballistic record at mahiwalay sa pamamagitan ng klasipikasyon ng mga legal at ilegal na mga sandata na hawak ng mga sibilyan.