Napakagandang batas itong nilagdaan kamakailan ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagbibigay ng libreng matrikula sa mga estudyante sa mga State Universities and Colleges (SUC) sa Pilipinas at pati na rin para sa ibang mga estudyante ng mga lokal na mga unibersidad at kolehiyo.
Magsisimula ipatutupad ang naturang batas na tinaguriang The “Universal Access to Quality Education Act” sa taong 2018.
Kasama sa nabanggit ang probisyon para sa mga libro, board and lodging at iba pang mga bayarin sa paaaralan bagama’t unang ipatutupad ang libreng matrikula.
Ano ang ibig sabihin nito para sa mga mag-aaral at kanilang mga pamilya?
Unang-una, mabibigyan ng pagkakataon ang lahat ng mga anak ng isang pamilyang kulang sa sapat na kabuhayan, na makapag-aral at magkaroon ng magandang kinabukasan. May malaking epekto ang pag-asang ganito sa pag-iisip ng isang kabataang nasa maralitang kalagayan, na ang pakiramdaman ng marami sa kanila ay nakabilanggo sila sa kahirapan at walang kalayaang maaasahan sa hinaharap.
Tanggapin natin na hindi naman lahat ng kabataan ay may kaloob na talino, kakaibang kakayahan o talento o kaya pokus at determinasyon na maka-ahon sa lubos na karukhaan, lalong lalo na kung una sa lahat, wala silang pundasyon para magkaroon ng magagandang asal na ganito, at walang magandang “role model” na matatanaw sa pamilya. Idagdag pa rito ang maraming kahinaan sa kaugaliang panlipunan ng mga Pilipino, kaya’t para sa mas nakararami sa kanila, kailangan ibigay ang mga pagkakataon na handa na at may malinaw nang mga parametro.
Ngunit, dahilan sa batas na nagbibigay ng “accessible education for all” magsusumikap na ang ibang mga kabataan sa kanilang pag-aaral sa high school nang makapasok sa SUC; maiibsan din ang pagrerebelde ng iba dahil mag-iiba na rin ang kulay ng kanilang mundo. Mag-babago ang disposisyon ng maraming mga kabataan dahil sa unang pagkakataon, magkakaroon sila ng lakas ng loob at karapatan na managinip at mangarap.
Sa pang-araw-araw naman para sa pamilyang may estudyante, maaaring ang ibig sabihin nito ay mas maraming pagkain sa hapag kainan at bahagyang kaluwagan sa pambayad sa tahanan, tubig at kuryente, at iba pa sa pinaka-pangunahing pangangailangan nito.
At syempre, makakatulong na rin sa pamilya ang mga kabataang makapagtatapos at makakakuha ng magandang trabaho.
Sa kabuuan, hindi na kailangan ipaliwanag nang husto na naka-daragdag sa kaunlaran ng isang komunidad at pag-angat sa ekonomiya ng buong bansa kung may dunong at aral ang mga mamamayan nito.
Bagama’t malayong-malayo pa sa buhay na kumportable at totoong ligtas sa pangamba, at tila manipis na sinulid ang batas na ganito sa uri ng kaunlaran na karapatan nating maranasan, para sa bansang matagal na nagtiis sa gobyernong ‘corrupt’ at walang paki-alam sa kalagayan ng mga mamamayan, kahit ang mga sinulid na ganito ay hibla na rin sa lubid ng buhay na dapat nating ipagbunyi at panghawakan.