Ipinagmamalaki ng Bureau of Immigration ang matagumpay nilang proyekto kaugnay sa kanilang kampanya laban sa mga tinaguriang undesirable alien o mga dayuhan na iligal ang pagpasok dito sa bansa.
Sinabi ni Immigration Commissioner Jaime Morente na base sa talaan ng Bureau of Immigration na sa kasalukuyang buwan pa lamang ay umaabot na sa mahigit dalawang libo at pitong daan ang mga dayuhan na hindi pinayagang makapasok ng Pilipinas.
“Base sa mga ulat na isinumite sa akin ng mga BI inspectors mula sa ibat-ibang mga ports of entry sa buong bansa ay kabuuang 2,717 ang mga dayuhan na hindi pinayagang makapasok sa Pilipinas sa unang anim na buwan ng taon,” pahayag ni Morente sa PINAS.
Ipinaliwanag ni Morente na ito ay dahil na rin sa pinaigting at ipinatupad nilang mas mahigpit na kampanya laban sa mga foreigners na pumupunta sa Pilipinas at ito aniya ay para matiyak ang seguridad sa ating mga border laban sa mga tinatawag na undesirable alien.
Mula sa nasabing bilang ay mahigit na sa 2,400 na mga pasahero ang naaresto o nasabat ng kanilang mga tauhan na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport, 296 ang hinarang sa mga paliparan sa Cebu City, Davao City, Clark sa Pampanga, Iloilo City, Kalibo sa Aklan, Laoag City sa Ilocos Norte, Puerto Princesa sa lalawigan ng Palawan at pantalan sa Zamboanga City.
“Nais ko rin iparating sa sambayanan at ipinagmalaki ko na higit na mas mataas ang nasabing bilang ng 39-percent kumpara sa 1,948 na mga dayuhang hindi pinayagang makapasok sa bansa sa noong nakalipas na taon,” dagdag pa ng Immigration Commissioner.
Nakasaad naman sa ulat ng Ninoy Aquino International Airport-Bureau of Immigration na ang mga hinarang sa kanilang paliparan ay kinabibilangan ng 1,594 Chinese, 127 Indian nationals, 117 Koreans, 106 Americans, 101 na Vietnamese at 43 Indonesians.
Ipinaliwanag pa ni Morente na karamihan sa mga dayuhan na hinarang sa mga paliparan ay mga nahatulang sex offenders, mga hinihinalang terorista, mga pugante sa kanilang bansa, dati nang naipadeport mula sa Pilipinas at nasa blacklist o listahan ng mga undesirable alien.
“Isang magandang halimbawa na lamang ay ang mga umano’y teroristang dayuhan na narito sa ating bansa ang hinihinalang umanib na o sumusuporta sa Maute group na hanggang sa kasalukuyan ay patuloy na nakikipag-bakbakan sa ating mga sundalo sa Marawi City,” kwento rin Morente.
Backdoor hindi dapat malusutan
Tiniyak naman ng opisyal na nananatiling nakaalerto ang kanilang mga tauhan sa mga paliparan at mga pantalan, lalo na sa mga tinatawag na backdoor entry na kadalasang ginagamit na point of entry ng mga dayuhang walang kaukulang travel documents.
“Diyan kasi kadalasang dumadaan papasok sa Pilipinas ang mga dayuhan na walang kaukulang mga dokumento kaya kabilang iyan sa mga partikular na pinapatutukan ko sa aking mga tauhan,” pagtiyak din ni Morente.
Kasabay ng mahigpit na pagmomonitor at pagbabantay ay patuloy din ang kanyang paalala at babala sa kanyang mga tauhan na huwag masasangkot sa anomalya o makipag-sabwatan sa mga sindikato na nagpapapasok ng mga illegal alien, kapalit ang malaking halaga bilang bayad sa kanilang serbisyo.
“Mahigpit kasi ang kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na linisin sa korapsyon ang aming ahensya para mabura na sa isipan ng publiko ang masamang imahe ng bureau para maging maganda ang imahe at paningin ng tao hindi lamang dito sa Pilipinas kundi maging sa iba pang bansa o sa buong mundo”, ani pa ng Immigration Commissioner.
“Kapag gumanda na kasi ang imahe natin sa buong mundo ay tiyak na magpapalakas ito ng ating ekonomiya dahil mas lalo tayong dadagsain ng mga lehitimong turista”.
“Sa dami kasi ng magagandang tanawin dito sa ating bansa, tulad ng mga malilinis at magagandang beaches gaya sa Boracay, El Nido sa Palawan, Puerto Galera sa Mindoro ay nasisiguro ko na lalo tayong bibisitahin ng mga turista kung wala silang masamang karanasan sa Bureau of Immigration,” ani pa ni Morente.
Kumpiyansa naman ang komisyuner na kung susunod lang sa kanyang mga patakaran at mga alituntunin ang mga empleyado ay tiyak aniya na gaganda na ang imahe ng BI sa mga dayuhan na magiging dahilan ng pagdagsa ng mga turista sa ating bansa at dahilan upang lumakas ang turismo at magpalago ang ating ekonomiya.
Sex offenders napigilang makapasok
Samantala masaya pang ibinahagi ni Morente sa PINAS na kamakailan lang ay nahuli at napigilang makapasok dito sa bansa ang halos 200 foreign sex offenders.
“Nasabat namin sila sa Ninoy Aquino International Airport at hindi pinayagang makapasok sa Pilipinas ang mga dayuhang ito dahil wanted sila sa sex crimes sa kanilang bansa,” pagmamalaki pa ni Morente.
Kabilang sa mga nasabat ang 131 Amerikano, 19 na Australian, 19 British, 3 New Zealanders at mayroon ding mula sa Canada, Columbia, Ireland at Guam.
Ang mga ito ay madalas umanong nasasangkot sa mga kasong child abuse, child trafficking, child pornography at iba pang malalaswang aktibidad na ang mga biktima ay pawang mga menor de edad.
Sinabi pa ni Morente na seryoso ang kanilang kampanya upang tuluyan nang maalis ang masama at negatibong impresyon sa Pilipinas bilang sex tourism destination.
Patuloy din ang pakikipag-ugnayan ng Bureau of Immigration sa interpol para sa pagpapalakas ng intelligence network laban sa mga drug syndicates na gumagamit ng mga drug mules o tiga-bitbit ng mga iligal na droga, mga human traffickers, mga undocumented overseas Filipino workers para mailayo sila sa kapahamakan sa bansang kanilang pupuntahan.
Mga pangalan na nasa immigration lookout
Sa kasalukuyan ay napakahigpit na pagbabantay ang ginagawa ng bureau sa lahat ng airports at seaports dahil inilagay na sa ILBO o immigration lookout bulletin order ang ilang malalaking personalidad na nahaharap sa mga kasong may kaugnayan sa iligal na droga.
Kabilang sa nakalista sa ILBO ang sinasabing bigtime drug personality na si Peter Lim alyas Jaguar na makailang ulit ng lumutang o nababanggit ang pangalan na isinasangkot sa illegal drug trade at nagpakilala pang kumpare umano siya ni Pangulong Duterte.
Bukod kay Lim ay kasama rin sa ILBO ang anak ng napatay na dating Albuerra Mayor Rolando Espinosa na si Roland “Kerwin” Espinosa, Peter Co, Marcelo Adorco, Max Miro, Lovely Impal, Ruel Malindangan at Jun Pepito.
Lahat ng nabanggit ay may kinalaman umano sa iligal na droga.
Nakasaad sa ILBO na sakaling aalis ng bansa ay kailangan humingi ng permiso sa BI o sa Department of Justice ang sinumang nakapaloob sa kautusan at idetalye kung saang bansa siya pupunta, kung ano ang pakay at kung kailan siya babalik sa Pilipinas