Humarap sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ang isa sa tatlong testigo sa pagpatay kay Kian Loyd delos Santos sa isinagawang operasyon sa Caloocan.
Sa testimonya ng testigong si alyas “MC”, positibo nitong itinuro ang dalawang pulis Caloocan na sina PO3 Arnel Oares at PO1 Jeremias Pereda na umano’y kumaladkad kay Kian bago ito mapatay.
Sa salaysay ng testigo, bibili sana siya ng bigas at sigarilyo nang makitang bitbit ng mga pulis ang biktima.
Pinasinungalingan din ni ‘MC’ ang naging testimonya ng mga pulis na nanlaban si Kian at iginiit na sinandyang barilin ito.
Sinasabing nakita ni MC ang mga pangyayari dahil malapit lang sa crime scene ang kanilang bahay.
Tumanggi naman magbigay ng pahayag ang tatlong pulis sa mga katanungan ng mga senador at iginiit ang kanilang rights against self incrimination.