PINAS

Calling All Heroes! Super Heroes sa Comics, Bida na rin sa Pelikula!

 

Ni Edmund C. Gallanosa

PANIC mode ngayon ang maraming fans ng mga komiks, partikular na pinag-uusapan natin ang DC at Marvel Comics.  Subalit positive na panic mode ito, dahil itong taon ng 2017, hanggang 2020, ang mga sinusundan nating mga superheroes sa komiks, isinasa-pelikula na.

Mula pa dekada ’70, ’80 at ’90 naglitawan na ang mga movie adaptation ng tulad ni Superman, Batman, The Hulk at Spiderman,  Ngayong ika-20 siglo naglabasan ang katulad ng X-Men, Iron Man at The Avengers.  Hindi malayong sumunod pa ang ilang paborito sa komiks papunta ng pinilakang tabing.

Nailista namin ang Top Picks na pelikula o karakter na kinasasabikan ng mga taong nais nilang makitang maging pelikula.   Hindi na namin isinama sa listahan ang mga sequel sa tulad ng Superman, Batman, The Avengers at Guardian of the Galaxy—ang Good News po sa mga mambabasa ay siguradong darating ang mga pelikulang ito.   Sa paglalahad natin, kikilitiin namin nang kaunti ang inyong imahinasyon sa ilang mga trivia na aming nahalungkat.

5)  Justice League.   Isa sa pinaka-aabangan ngayong Nobyembre ang paglabas ng Justice League, katatampukan ito ng pagsama-sama ni Batman, Wonder Woman, The Flash, The Cyborg at Aquaman.   Kailangang magtulong-tulong ang mga DC Comic superheroes dahil sa pagkakamatay umano ni Superman (Batman vs. Superman: Dawn of Justice, 2016) sapagkat walang magtatanggol sa mundo laban sa isang bagong naghahasik ng lagim, si Steppenwolf.

Trivia:  Kung hindi kayo pamilyar kay Steppenwolf, maaari niyong balikan ang pelikulang Batman vs. Superman: Dawn of Justice—siya ‘yung halimaw na binubuhay ni Lex Luthor sa huling parte ng pelikula.

4)  Black Panther.    Ang karakter na ito ang kauna-unahang black superhero na lumitaw sa Fantastic Four #52 na comics, taong 1966.  Lumitaw siya sa pelikulang Captain America: Civil War.  Inaasahang lalabas ang stand-alone movie ni Black Panther sa taong 2018.

Trivia:  Si T’Challa (a.k.a. Black Panther) ay isang prinsipesa African Nation ngWakanda.  Ang kaniyang ama ang tumatayong hari ng masikreto subalit progresong bansa sa gitna ng Africa.  Sa pagkakamatay ng kaniyang ama at hari na si T’Challa, isinalin ang responsibilidad ng pagiging hari ng Wakanda at ang pagiging Black Panther.  Ibig sabihin, ang kaniyang ama ay ang orihinal na black panther at sumasalin-salin ang responsibilidad na ito bilang pangunahing protektor ng kanilang kaharian.

3)  Thor: Ragnarok.   Ipapalabas ngayong Nobyembre ng taong kasalukuyan.   Sabik na ang mga fans nito dahil sa inaabangang fight scene ni Thor at Hulk sa kaharian ng Sakaar.Sa mundong ito, iba ang katauhan ni Hulk na nakakapagsalita at nag-aastang tao, at hindi isang ‘uncontrollable beast.’

Trivia:  Sa pagnood ninyo sa pelikulang Thor: Ragnarok, paka-abangan ang karakter na si Korg (nasa larawan sa pahinang ito; katabi ni Hulk).  Isa siyang Marvel karakter na maaari tayong maging proud bilang pinoy—sapagkat drawing ito ng kababayan nating si Carlo Pagulayan, at unang lumitaw sa komiks na The Incredible Hulk vol.2 #93 (The Planet Hulk).

2)  Venom.   Ang karakter na ito ay isang ‘alien symbiote,’  para siyang isang parasite na kailangang magkaroon ng ‘host’ upang magkaroon ng ‘form’ at ‘identity.’  Nabuo si Venom at sa hindi inaasahang pangyayari ay nakakapit siya kay Peter Parker (a.k.a. Spiderman) at naging black suit-bad version na tinawag na Venom.  Inaasahang lalabas ang pelikulang Venom sa taong 2018.  Gaganap sa karakter na ito si Tom Hardy.

Trivia:  Si Tom Hardy ang aktor na lumabas bilang si Max Rockatansky (Mad Max Fury Road) at bilang si Bane sa The Dark Knight Rises (2012).

1)  The Green Lantern Corps.   Sa mga hindi nakababatid, hindi lang po isa o dalawa ang karakter na Green Lantern, sila po ay libo-libo at nakakalat sa iba’t ibang galaxies.  Sila ay mga ‘interplanetary police force’ na may layong protektahan ang mga naaapi laban sa kanilang arch-nemesis na si Sinestro at ang yellow ring.  Dalawa ang Green Lantern ng planet Earth, si Hal Jordan at si John Stewart.  Target date ng Green Lantern Corps the movie ay sa Hunyo ng 2020.

Trivia:  Maraming fans ang natutuwa na lumalaki nang lumalaki ang tiyansa ni Tyrese Gibson na gumanap bilang si John Stewart.  Sa katunayan, nagbigay na siya ng intensyong gumanap bilang isang green lantern.  Si Gibson ay sumikat sa pelikulang Transformers at Fast and the Furious franchise.   Aniya sa isang interview:  “I would love to do it. You know, I had a couple meetings at Warner about it…I think they know what’s best for the movie, but the fans started this campaign, and all I’ve done is made use of my social media to let folks know I’m interested.”

TOP SPOT:Avengers INFINITY WAR.   Kasabik-sabik ngang tunay kung ano ang mangyayari sa pelikulang Avengers Infinity War.  Bakit kamo?  Sa lakas ng kalabang si Thanos (Si Josh Brolin ang gaganap na aktor), kinakailangang magtulong tulong ag mga superheroes ng Marvel.  Tama po ang tinutukoy ko, asahang reresbak para sa mga Avengers ang grupo Guardians of the Galaxy na pinamumunuan ni Star Lord at tutulong din sina Spiderman, Dr. Strange,  ang Nova Corps, si Winter Soldier,at marami pang iba.   Dahil sa bigat ng laban, aabutin ng 2 installments ang Infinity War.  Ang una ay ipapalabas sa Mayo ng 2018, at ang ikalawang bahagi ay sa Mayo ng 2019.

 

Calling all heroes, abangan sila…