PINAS

Andrea Torres, mas “feel” maging single

Ni: Wally Peralta

Girlfriend material ang isang Andrea Torres kung pagbabasehan ang kanyang kagandahan, kaseksihan at katalinuhan pero mukhang mas enjoy ang Kapuso actress sa pagiging single.

Maraming nagtataas ng kilay kung totoo bang loveless ang dalaga dahil hindi naman halata sa aura nito pero ayon pa sa actress matagal na siyang walang boyfriend.

“It’s my choice kasi ang maging single,” wika ni Andrea.

Sinabi ng actress na bata palang siya ay talagang pangarap na niyang maging artista upang makilala sa showbiz world.

Aniya, hindi biro ang kanyang dinanas bago makarating sa kinalalagyan niya ngayon sa showbiz  kaya gusto niya munang mag-pokus sa kanyang career at nakahanda siyang gawin ang lahat.

Maselan

Pinabulaanan naman niya ang duda ng iba na baka sadyang mataas lang ang kanyang standard sa pagpili ng lalaking mamahalin kaya ayaw niya munang tumanggap ng manliligaw ngayon.

Baka maselan siya kaya hanggang ngayon ay loveless pa rin?

“Ha ha ha, hindi po ako namimili ng manliligaw, sadya lang pong wala po akong time na humarap sa kanila. Dami kong commitments ngayon taon.” Ayon pa sa magandang actress.

“May mga nagtatangka rin naman manligaw bukod sa wala akong oras na humarap sa kanila ay wala rin sparks kasi ang dating nila. Sa ngayon kasi ay mas gusto kong makaharap ang manliligaw na may ‘spark’ agad ang dating sa umpisa pa lang, ganun. Hindi naman kailangan super guapo siya o mayaman basta ang mahalaga ay may takot siya sa Diyos, responsible at mahal ang kanyang pamilya, siyempre ako rin, hahaha” dagdag pa niya. 

Matchmaker ang drama

Dahil hindi pa siya handa sa sariling lovelife, sa kanilang teleserye na “Ang Pagbabalik ni Alyas Robin Hood” ay match maker ang drama ni Andrea.

Sobrang kulit ng sexy star, katulong pa nito si Rey ‘PJ’ Abellana sa pagpupush ng loveteam ng kanilang co-stars sa nasabing serye, sina Antonette Garcia at Luri Vincent Nalus.

Palagi niyang pinu-post sa social media ang mga litrato at videos na nagpapakita ng special bonding nina Antonette at Luri Vincent.

Sabi pa ng actress naaaliw siya sa dalawa at bagay umano ang mga ito.

Real estate ang feel

Matagal na sa showbiz si Andrea, marami na siyang pinagbibidahang teleserye at mga pelikulang nagawa kaya masasabing may mga naipundar na rin siya sa pag-aartista.

Ano-ano na kaya ang napundar na gamit ni Andrea?

“Sa totoo lang, wala pa.  Wala pa nga akong sariling bahay, nasa piling pa rin ako ng mga magulang ko nakatira. Hindi naman ako ang breadwinner sa aming pamilya, mga magulang ko pa rin at tumutulong lang ako,” sabi pa ni Andrea.

Pinaliwanag ng dalaga na hindi siya mahilig sa mga alahas o sasakyan dahil okay na siya sa mga simpleng bagay na meron siya kaya lahat ng perang kinikita niya ay iniipon nalang niya.

“Gusto ko kasing magnegosyo, pumasok sa real estate business. Habang tumatagal kasi ay tumataas ang value ng lupa. Mahilig talaga ako sa negosyo kung kaya gusto kong makatapos ng business administration at personal na mangangasiwa ng mga negosyong itatayo ko kung sakali man na maglie-low ako sa showbiz,” ang pagtatapos pang tugon ni Andrea.