Ni: Joyce P. Condat
TERRENCE Romeo.Niyanig ng pangalang ito ang mundo ng basketball sa loob at labas man ng bansa. Tulad ng ibang manlalaro, nagsimula ang kanyang karera sa simpleng basketball ring sa lansangan. Bawat tropeong natatanggap niya sa court ay bunga ng kanyang sipag, tiyaga, at matinding pag-eensayo.
Batang Terrence
Tubong Imus, Cavite si Terrence Bill Vitanzos Romeo, na mas kilala sa tawag na Terrence Romeo. Lumaki siya sa Westwood Village kung saan siya nagsimulang turuan ng kanyang ama na maglaro ng basketball noong anim na taong gulang pa lamang siya.
“Yung experience na napaka-init, tirik yung araw. Maglalaro kayo kasama yung mga kaibigan mo. Pustahan kayo, ice water. Ganyan lang,” kwento ni Romeo tungkol sa kanyang kabataan sa documentary ng TV5 para sa Kuwentong Gilas. “Makuha nyo man yung panalo, hindi ganun kadali niyong makuha.” Gaya rin ng ibang batikang mga manlalaro ngayon sa basketball,
sa kalye rin siya sinimulang sanayin ng kaniyang ama. Bola ang tanging hawak nya sa buong maghapon. “Talagang pinaglalaro ko siya ng larong kanto… para matapang,” kwento ni William Romeo, ang kanyang tatay. “Kaya sabi ko, ‘nak, kung ikaw ay maglalaro ng basketball, kailangan madiin ka, matapang ka. Pag takot ka sa basketball, ‘wag ka ng maglaro ng basketball’,” dagdag niya pa.
Ang ama ni Romeo ang una niyang naging coach. Isang masugid na tagahanga ni Robert Jaworski ang kanyang tatay, kaya’t jersey no. 7 ang suot niya ngayon. Ngunit kwento nya sa Sports Interactive Network Philippines o spin.ph, hindi si Jaworski ang kanyang tiningalang idolo. “Hindi ko na po kasi inabot si Jaworski. Tapos nagkataon yung Mark Caguioa po at Jayjay Helterbrand… sila naman ang nagustuhan ko,” aniya. Aminado siyang nagmula ang kaniyang mga galaw sa “Fast and the Furious” tandem ng Ginebra.
Pakikipagsapalaran sa Maynila
Unang naglaro si Romeo sa San Juan de Letran. Kinalaunan ay lumipat siya ng Far Eastern University, at dito niya pormal na sinimulan ang kaniyang karera sa larangan ng basketball. Una siyang naglaro bilang Baby Tamaraw noong high school sa FEU-Diliman. Nakilala siya dahil sa naitala niyang 83 puntos sa isang laro lamang sa UAAP Juniors Basketball noong 2009. Naging UAAP Junior’s Most Valuable Player siya noong taong ding iyon.
Naglaro siya bilang point guard ng FEU Tamaraw Men’s Basketball para sa UAAP. Nasungkit niya ang UAAP Rookie of the Year taong 2011. Dalawang beses siyang napabilang sa Mythical Team ng UAAP noong 2013 at 2014, at naging MVP siya ng UAAP Season ‘76.
Mundo ng PBA
Pinasok ni Romeo ang mundo ng PBA matapos maglaro para sa FEU.Kasali siya sa draft ng PBA taong 2013, at pinili siya ng GlobalPort bilang 5th overall pick.
“Noong first year ko, syempre, ‘di madali dahil nag-adjust ako eh. Kumbaga, lahat ng kalaban ko, magagaling. Lahat, superstar,” ani Romeo tungkol sa naging karanasan niya noong unang pasok niya sa PBA.
Ngunit hindi nawala ang kaniyang ama upang suportahan ang kabado niyang anak. “Nakita ko, pagdating ng PBA, kinabahan siya,” kwento naman ng tatay ni Terrence sa docu ng Kwentong Gilas 4.0. “Eh di, sumisigaw ako sa kanya, ‘kaya mo yan anak!’”
Marami man siyang naging tagahanga, hindi rin nawala ang mga taong may ayaw sa kanya. “Maraming bashers na nagsasabi sa’kin na ‘buwakaw ‘yan, sobrang buwakaw ni Romeo’ pero di ako sa kanila nakikinig, eh. Mas pinapakinggan ko yung puso ko, yung utak ko, tapos yung family ko,” aniya. “Kahit anong sabihin sayo ng ibang tao… kung alam mo sa puso at utak mo na willing kang matuto, willing kang mag-improve, at someday may gusto ka pang mas ma-achieve na mas mataas kung nasaan ka ngayon, ‘di mo sila pakikinggan.”
Maraming nakamit na parangal si Romeo sa PBA. Dahil sa kaniyang husay, nabigyan siya ng pagkakataong itaas ang bandera ng ating bansa para sa FIBA Cup.
Para sa Bayan
Naging bahagi ng koponan ng Gilas Pilipinas si Romeo taong 2015. Noong taong din iyon, kasali rin siya para sa William Jones Cup kung saan mas napahanga niya ang mga Pilipino maging ang mga Taiwanese fans. Bukod kay Calvin Abueva, ginawan din siya ng mixtape ng FIBA sa kanilang website. Tinagurian siyang “Golden Boy” dahil sa gintong kulay ng kanyang buhok noong 2015.Kilala rin siya sa tawag na “The Bro” sa loob ng court.
Isa si Terrence Romeo sa mga batang dating nag-asam na makatapak sa tunay na court at makilala sa buong mundo. Unti-unti niyang nakamit ang kanyang mga pangarap dahil sa determinasyon at pagpupursige. Hindi niya inalintana ang mga taong hindi naniniwala sa kaniya. Bagkus, patuloy pa rin ang kaniyang paniniwala na makamtan ang hangarin niya sa loob at labas ng court.