Ni: Joyce P. Condat
Madalas na ginagamit ang apple cider vinegar na pang-dressing sa vegetable salad. Ngunit alam mo bang marami pa itong gamit maliban sa sawsawan? At may makukuha ka ring benepisyo mula rito para sa ating kalusugan! Narito ang ilan sa mga hiwagang nagagawa ng apple cider vinegar.
Pantanggal ng Balakubak. Ang acidity ng apple cider vinegar ay tumutulong upang matigil ang pagkakaroon ng balakubak. Maghalo lamang ng sangkapat (one-fourth) na baso nito at sangkapat na baso ng tubig. Ilagay ito sa spray bottle at gamitin ito sa anit. Balutin ito sa tuwalya ng labinlimang minuto at banlawan.
Gamitin ito bilang Pangmumog. Mabisang substitute din ito sa mouthwash! Gawin lamang itong pangmumog upang mawala ang mabahong hininga. Nakakaputi rin ito ng ngipin at nakakagaling ng pananakit ng lalamunan.
Ngunit hinay-hinay lang sa paggamit nito bilang pangmumog. Maaari nitong mamantsahan o mapanipis ang coating ng iyong ngipin dahil sa mataas na acid content nito.
Panglinis. Dahil sa anti-bacterial properties nito, pwede rin itong gamitin na panglinis ng mga kagamitan sa bahay. Ihalo ang kalahating baso ng tubig at kalahating baso ng apple cider vinegar, ilagay sa malaking spray bottle, at i-spray sa mga bintana at lamesa. Siguradong germ-free na ang mga kagamitan sa bahay!
Pantanggal ng Fungus at Baho sa Paa. Kung umaalingasaw ang iyong paa sa tuwing magtatanggal ng medyas, huwag mag-alala! Ihalo lang ang apple cider vinegar sa tubig, isawsaw sa pamunas, at ipahid ito sa paa.
Yan ang ilan lamang sa mga benepisyong pwede nating makuha sa apple cider vinegar. Madami man itong kayang gawin, kailangan pa rin nating maging maingat sa paggamit nito. Masyadong mataas ang acidic properties nito kaya’t kailangan nating magpakonsulta sa doktor kung isasama natin ito sa pang-araw-araw nating diyeta. Gayunpaman, hindi natin maikakaila na maraming hiwaga ang nagagawa ng apple cider vinegar!