Ni: Joyce P. Condat
Bilog ang bola; yan ang sabi ng iba.Sa laro ng buhay, may mga panahong matatalo tayo. Pero para sa isang Jayson Castro, hindi naging hadlang ang mga pagsubok at madugong pag-eensayo upang magpalugmok nang tuluyan sa tuwing mabibigo.
Tubong Pampanga si Jayson Castro William o mas kilala bilang Jayson Castro. Ipinanganak siya noong Hunyo 30, 1986.
Nagsimula si Castro sa paglalaro nya para sa koponan ng kanyang alma mater, ang Philippine Christian University Dolphins. Taong 2003 siya nagsimula ng kanyang karera sa National Collegiate Athletic Association o NCAA.
“The Blur”
Napunta sya sa Talk ‘n Text Tropang Texters nang mapasama sya sa rookie draft ng Philippine Basketball Association taong 2008. Tinagurian din siyangThe Blur dahil sa angking bilis nya sa loob ng court.
Pansamantala niyang itinigil ang kanyang pag-aaral upang makapag-focus sa paglalarosa PBA. Ngunit nanatiling matibay ang kanyang pagsisikap na makapagtapos ng kolehiyo. Nakatapos siya sa kursong Bachelor of Science in Business Administration Major in Management sa PCU nitong nakaraang taon lamang. “Yung family ko saka yung girlfriend ko ang lagging nagre-remind sa akin, sinasabi nila, ‘kelan ka magtatapos?’”, kwento nya sa FOX Sports. Inamin din niyang hindi siya maglalaros a PBA habang buhay.
Nakitaan sya ng kakaibang husay sa unang pagsabak pa lamang nya sa PBA. Ngunit hindi niya hiniling na mapunta sa kanya ang spotlight sa kabila ng pamamayagpag niya sa court. Tine-take for granted ng mga manonood ang kanyang kakayahan dahil sa tuwing maglalaro siya, nagmumukhang madali ang ginagawa niya. Marahil ay masyado nang nasanay ang mga mata ng fans sa ipinapakita niyang husay.
Ipinamalas din niya ang kaniyang abilidad sa buong Asya. Naging two-time All-Star Team member si Castro sa International Basketball Federation o FIBA-Asia Championships noong 2013 hanggang 2015. Kasabay nito, tinagurian din siya bilang “The best point guard in Asia.”
Buhay PBA, Buhay Gilas
Naging usap-usapan ang pagapalit ni Castro ng apelyido sa kanyang jersey sa pagsabak nya sa Gilas taong 2013.Mula sa Castro, naging William ang kanyang apelyido na nakatatak sa kanyang jersey sa laban nila kontra Saudi Arabia.
“Since birth pa naman, William na ginagamit ko eh,”aniya sa panayam ng SPIN sa kanya. “So noong nag-divorce ‘yung mom and dad ko noong grade seven or grade six ako, pinagamit na sa akin ng mama ko Castro na, kasi on process lahat ng papers,” dagdag pa niya.Batid din ng kanyang ama ang paggamit nya ng William sa international tournaments.“So wala naman bago sa akin ‘yun nga lang nanibago ‘yung mga fans, kasi di nila alam ang istorya ng buhay ko. So ngayon alam na nila lahat.”
Maraming nalungkot noong nagretiro siya sa Gilas Pilipinas nitong nakaraang taon. Ngunit makalipas ang isang taon, bumalik siya at nakahakot ang pambansang koponan ng ginto ng sumabak sila sa 2017 SEABA Championships.
Sa kasalukuyan, anim na PBA Championships na ang kanyang napapanalo; apat sa All-Filipino at dalawa naman sa Commissioner’s Cup. Hawak din niya ang apat na Best Player of the Conference Awards at pangalawa siya sa may pinakamaraming nakakuha nito sa buong kasaysayan ng PBA. Sa kabila ng nabingwit niyang mga gantimpala, kahit kailan ay hindi siya nahirang bilang Most Valuable Player of the Year.
Umani man ng maraming parangal si Castro, nananatili siyang mapagpakumbaba. Hindi na mabubura sa kasaysayan ang mga naiambag niya para sa bayan. Bawat takbo niya ay kumakatawan sa takbo ng ating hangarin na makilala sa buong mundo sa larangan ng basketball. Isa siyang respetadong tao sa loob at labas man ng court. Maraming mga kabataan ang nangangarap na maging katulad niya.
Isa lamang si Jayson Castro William sa mahabang listahan ng mga manlalarong karapat-dapat nating ipagmalaki.Hindi alintana para sa ating mga atleta ang matinding ensayo upang irepresenta ang ating bansa. Puso, determinasyon, at lakas ng loob ang dala nila sa tuwing haharap sila sa laban. Suklian natin ang kanilang mga paghihirap sap amamagitan ng pagpapakita ng suporta sa kanila, saan mang sulok ng mundo tayo mapunta. Laban, Gilas Pilipinas! PUSO!