PINAS

Ano ang dapat gawin sa PNP?

‘Inaanay’ at ‘Bulok hanggang sa kaibuturan’ ang ilan sa mga katagang ginagamit upang ilarawan ang sistema sa Philippine National Police (PNP) na tila wala nang pag-asang mabago pa.

Ang pagkakapaslang sa walang laban na 17-taong gulang na si Kian delos Santos at ang kaawa-awang sundalo na si Cpl. Rodillo Bartolome, ay iilan lamang sa mga halimbawa ng pagiging corrupt, incompetent, abusado sa karapatang pantao, walang takot sa batas, mersenaryo at kriminal na pag-uugali ng institusyon.

Hindi na ito problema na gawa ng mga scalawags o mga masasamang elementong nakapasok sa PNP.  Marami nang programa tulad re-organisasyon at revamps na isinagawa ng mga nagdaang pamunuan at ng kasalukuyang administrasyon para hugutin ang mga “misfits” sa hanay ng kapulisan subalit, naririyan pa rin sila—tumutubo pa rin na parang mga kabute.

Hindi rin naman dahil sa kakulangan ng ensayo, o kakulangan ng sistema para maiwasan ang pang-aabuso, kurapsyon at kapalpakan ng mga pulis dahil napakarami na ring mga mekanismo, mga checks and balances at mga ahensiyang itinalaga para ayusin ang mga ganitong suliranin.  Naririyan ang Internal Affairs Service (IAS) at ang National Police Commission (Napolcom).

Napakarami na rin ang isinagawang mga seminar at mga moral recovery program upang ibalik ang tiwaling pulis sa tamang landas at tamang moralidad, ngunit patuloy pa rin na nangyayari ang mga nakakahiya, nakakadismaya at nakakayamot na mga gawain sa ating kapulisan.

Hindi rin masasabi na problema ito ng mababang pasahod dahil mataas ang sahod ng pulis kung ikukumpara sa ibang mga karaniwang manggagawa ng pamahalaan.

Ang kanser ay mula na mismo sa istraktura at mga nakagisnang tradisyon at paraan ng ‘proteksyon’ na nagaganap sa ating kapulisan.  Ang mabubuting pulis ay nahahawa sa masasama, lalo na ang mga bagito na puno sana ng marangal na adhikaing mapaganda ang kanilang pagseserbisyo, sila pa ang nauunang nasisira dahil sa mga katiwalian at pang-aabuso sa kapangyarihan na nagaganap sa loob ng PNP.

Kaya’t hindi lang “total overhaul” ang kinakailangan rito kundi “total re-invention.”  Alisin sa trabaho ang lahat ng pulis mula sa pinakamataas na heneral hanggang sa pinakamababang PO1; buwagin ang lahat ng sistemang ipinatupad bagkus nagkaganito ang PNP ngayon; at ayon pa sa isang eksperto, alisin ang pagkakakilanlan ng PNP bilang isang “military” na organisasyon at gawin itong mas sibilyan na may mga kawaning propesyonal.

Totoo nga ang sinabi ng isang politikal analyst na kung punong-puno na ng anay ang bahay mo mas mabuti pang sirain mong buo at magtayo ka nalang ng bago.

Nasabi na rin ng pangulo na kung maaari ay sisirain na lang niya ang buong pamahalaan ngayon upang maitayo ang bagong pamunuan na mas mahusay at may maaasahang pamamalakad. Kung gagawin niya ito, huwag sana niyang kalimutan ang PNP, na tinatawag ng iba na kanyang niño bonito, o paboritong anak.  Ngunit hindi na sasapat na paluin lamang ang paboritong anak dahil maliban sa lumaki ito sa luho, naging bulok na rin, hanggang sa kaibuturan.

Kailangan tandaan ng pangulo na sa kalaunan ay magiging bale wala rin ang kanyang buong kampanya laban sa droga kung matatapos ang termino niya na ang pulis noon ay ang pulis pa rin sa kanyang pag-alis. Nangako siya ng pagbabago, unahin niya ang kapulisan.