PINAS

Bagyong Maring, nagdulot ng matinding baha sa Metro Manila

Ni: MJ Mondejar

Lubog nanaman sa baha ang Kamaynilaan dahil sa Bagyong Maring.

Base sa datos ng MMDA Flood Control Center, nagdulot ng matinding perwisyo sa mga motorista ang tubig baha na umapaw sa mga kalsada sa ibat-ibang bahagi ng metro manila partikular na sa Gov. Pascual Avenue corner MH del Pilar sa Malabon.

Gayundin sa C4 Dagat-Dagatan hanggang Longos pati na ang mga lugar ng Agora North Bay Blvd. sa Navotas.

Matindi din ang pagbaha sa Quezon City partikular sa mga barangay sa palibot ng Araneta sa Cubao at maging ang E. Rodriguez Ave.

Ang mga nabanggit na lugar ay itinuturing na catch basin ng MMDA dahil sa palagi itong nababahaan sa panahon ng tuloy-tuloy na pag-ulan.

Sa Maynila naman, binaha ang mga lugar sa España, Blumentritt patungong Lacson dahil sa magdamag na pag-ulan.

Nanganganib din ang mga motorista sa kahabaan ng Rizal Cor. R Papa kung sakaling lalakas pa ang pagbuhos ng ulan.

Gayun din sa bahagi ng Magsasay Pureza na isa rin sa mga bahaing lugar sa Maynila.

Pansamantalang sinuspinde din ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang biyahe ng mga provincial bus sa mga lugar ng Aurora at Quezon Province dahil sa epekto ng Bagyong Maring.

Suspendido narin ang number coding sa Metro Manila at wala na ring biyahe ang Philippine National Railways (PNR) mula Tutuban patungong Alabang at pabalik.

Sa ngayon ay patuloy na nanawagan ang pamahalaan sa mga mamamayang apektado ng bagyo na laging mag-ingat dahil inaasahang sa Huwebes o Biyernes pa tatagal ang nararanasang sama ng panahon sa bansa.