Ni: Quincy Joel Cahilig
Inaprubahan na ng Kongreso sa ikatlo at final reading ang panukalang batas na naglalayong magbigay ng opsyon sa mga kumpanya na magpapatupad ng ‘compressed work week’ bago magtapos ang Agosto. Ngayong Setyempre ay nakatakdang talakayin naman sa Senado ang kanilang bersyon ng naturang panukala.
Kung maisabatas ang House Bill 6152, maaari nang magpatupad ang mga kumpanya sa bansa ng four-day work schedule scheme.
Ang tanong: Ibig bang sabihin nito ay mababawasan din ang kikitain ng mga empleyado?
Hindi dapat yan pangambahan ayon kay Baguio City Representative Mark Go na may akda ng naturang panukalang batas.“At the outset, let me state that with this proposed work arrangement, there will be no diminution of salaries and benefits. Employees will still be paid the regular overtime if they work more than 48 hours or 40 hours per week as the case may be,” ani Go.
Bagama’t extended ang working hours ng isang empleyado kung apat na araw lang siya papasok sa trabaho, magiging tatlong araw naman ang kaniyang day-off, bagay na makapagbibigay ginhawa.
Dagdag pa ni Go, layunin ng kaniyang inihaing panukalang batas na mabigyan ng flexible work schedule ang mga manggagawa na makapagdudulot sa kanila ng work-life balance para mas mapataas ang kanilang productivity sa kanilang trabaho, kung saan makikinabang din namanang mga kumpanyang kanilang pinapasukan.
“The main objective of this bill is really to improve company’s productivity and enhance employees’ work life balance,” wika ni Go.
Ang tatlong araw na day-off ay maaaring makapagbigay ng sapat na oras para sa pagpapahinga ang isang manggagawa. Gayun din, magkakaroon ng mas maraming oras na makapag-bonding sina daddy at mommy kasama ang kanilang mga anak. Samantalang ang iba naman ay pwedeng gamitin ang mga oras na ito sa part-time job o mag-enroll ng short courses para sa skills development.
Solusyon sa Mabigat na Trapik
Ang mala-pagong na daloy ng trapiko ang isang pangunahing sanhi ng stress ng mga empleyado sa bansa, lalo na sa Metro Manila at ang compressed workweek ang isa sa mga nakikitang solusyon sa naturang isyu.
Malaking bilang ng mga manggagawa sa Kalakhang Maynila ay gumugugol ng 1,000 na oras sa traffic kada taon, samantalang 28,000 na oras sa kanilang economic life ang nasasayang dahil sa trapiko—mga oras na sana’y nagamit para sa pag-asikaso sa pamilya at pagkakaroon ng extra income—batay sa pag-aaral ng Japan International Agency (JICA).
Hindi lamang mga empleyado ang na-ii-stress sa mabigat na trapiko sa mga lansangan ng bansa kundi maging ang ekonomiya ng Pilipinas. Batay sa report ng JICA, P2.4 bilyon ang nalugi sa bansa noong 2012 dahil sa araw-araw na gridlock na maaari pang lumobo sa P6 bilyon pagsapit ng 2030 kung hindi mahahanapan ng solusyon ang naturang problema.
Kaya naman bilang tugon sa hamon ng naturang isyu, nagsagawa ng hakbang ang gobyerno may ilang taon na ang nakalilipas kungsaan pinahihintulot ang mga government offices na magkaroon ng flexible work arrangements para sa kanilang mga empleyado.
Sinangayunan naman ng People Management Association of the Philippines (PMAP), ang pinakamalaking samahan ng mga Human Resources practitioners at people managers sa bansa na binubuo ng mahigit 1,800 na miyembro, ang pagbibigay ngflexible work schedule sa mga empleyado. Base sa kanilang survey sa kanilang mga miyembro, 81 percent ng mga respondents ang pabor sa four-day work week scheme.
Payag din umano ang mga kumpanya na magbigay ng libreng shuttle service, work from home option, at gas allowance para maibsan ang hirap ng kanilang mga empleyado sa pakikipagbaka sa matinding trapik sa mga lansangan sa Metro Manila.
“(Traffic)is not just a problem of the employees. All of us have to adjust.We just have to make allowances,”pahayag ni Employers Confederation of the Philippines President Donald G. Dee
Bagama’t hindi pa naisasabatas ang compressed work week schedule, may ilang mga pribadong kumpanya na nagpapatupad na ng flexible work scheme tulad ng Metro Pacific Investments Corp. na nagpapahintulot sa kanilang mga empleyado na magreport sa trabaho sa pagitan ng mga oras na 7 a.m. at 10:30 a.m basta kanilang bubunuin ang kanilang nakatakdang 9 hours work schedule, kasama ang lunch break.
Pinapayagan din nila na ang kanilang mga empleyado na mag-work from home kung talagang hindi naman kinakailangan na magreport sila sa opisina. Wika ni Assistant Vice President for Human Resources ng kumpanya na si Loudette M. Zoilo, napababa ng kanilang “flexitime”ang bilang ng mga nale-late sa oras ng trabaho, na ang ibig sabihin din ay mataas na productivity ng mga empleyado.
Hindi lahat Masaya
Sa kabila ng magandang intensyon ng panukalang batas ni Go, hindi lahat ng grupo ng manggagawa at mga kumpanya ay sumasang-ayon dito.
Ayon sa Federation of Free Workers (FFW), nilalabag ng naturang bill ang international Labor Organization Convention 1 na nagtakda sa walong oras kada araw ang dapat gugulin ng isang empleyado sa pagtatrabaho.
“We oppose increasing the regular 8-hour work a day as it can take a toll on majority of our workers. It would not be good for the health and safety of workers who do the heavy muscle work in construction and jobs that rely on physical stamina,” sabi ni, Sonny Matula, presidente ng FFFW.
Kinontra din ng Management Association of the Philippines(MAP) sa pagkakaroon ng four-day workweek dahil pababagalin umano nito ang daloy ng mga negosyo sa bansa.
“The bill will compel all sectors, public and private, to cut working days to four a week when the global economy, especially the stock markets, are in operation five days a week. ASEAN is working toward integration of markets and the Philippines will be disconnected one day each week should the bill become law,” sinabi ng MAP sa kanilang statement.
Dagdag pa ng naturang organisasyon, ang mas maikiling workweek ay mangangahulugan ng mas maraming working hours ng mga empleyado na magdudulot ng fatiguena makaka-apekto sa kanilang work performance.
Samantala, nangangamba naman si Cebu City Mayor Tomas Osmeña na magdudulot ng “economic dislocation” ang compressed work week sa mga industriya ng business process outsourcing (BPO). Kaya naman nananawagan ang naturang opisyal na dapat ay magkaroon pa muna ng ibayong pag-aaral sa mga implikasyon ng naturang panukala bago ito aprubahan ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Paglilinaw ng may-akda ng panukalang batas, hindi naman pu-pwersahin ang mga kumpanya na magpatupad ng compressed working schedule.
“It is not mandatory. A company can adopt a four-day work week in one department, a five-day or six-day workweek in another department.This institutionalizes the current practice of some companies that are permitted by DOLE to go on a longer hours per day but shorter days per week.This is expected to improve companies’ competitiveness, efficiency and productivity, and reduce employees’ cost and time in going to and from work,” paliwanag ni Go.
Dagdag pa ng mambabatas, makikinabang din naman ang mga kumpanya sa pagpapatupad ng compressed work week dahil makakatipid ang mga ito sa kanilang operational at overhead costs tulad ng kuryente, tubig, at iba pa.