Ni: Wally Peralta
Sa simula palang ng panunungkulan ng dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ay nagkaroon na nang isang political advocacy ang GMA-7 Primetime King na si Dingdong Dantes at sinuportahan naman ito ng todo ni PNoy. Naging Chairman pa si Dingdong ng YesPinoy Foundation na ngayong taon ay nagdiriwang ng kanilang ika-walong taong anibersaryo.
Ang YesPinoy ay tinatag ni Dingdong para sa empowerment ng mga youth. Kahit iba na ang administrasyon ngayon ay tinuloy-tuloy pa rin ni Dingdong ang kanyang foundation kahit pa sabihin na wala itong direktang suporta na natatanggap mula sa bagong pamunuan.
Nagpapatuloy ang adbokasiya
“Ang advocacy ko naman ay tuloy-tuloy lang.”
“Hindi naman siya tumitigil mula nang maitatag ito and I intend to do it as long as I can, as long as may kaibigan na tumutulong and resources, as long as andiyan ‘yung passion, tuloy-tuloy yun,” pahayag ng aktor.
Paano naman ang suporta niya sa bagong gobyerno?
“Minsan kasi pag may gagawin kang project sa isang lokal na lugar, magandang kapartner mo talaga yung local government doon, and that make things easier. Hindi naman consistent ang support na natatanggap ko ngayon kasi per project basis kami, hindi naman siya yung tipong nakalatag lang na ganito at kailangan ang ponding ganito,” saad pa ni Dingdong.
Pero inamin rin ang aktor na hindi palaging may pondo ang kanyang foundation.
“Minsan meron, minsan wala rin. Minsan may sponsors din naman,” aniya pa.
May fundraising activity
May artworks na ginagawa ang foundation ni Dingdong, nakipag-collaborate pa sila sa ilang artists tulad nila Carlo Saavedra at Mark Padernal. Ang mga painting ay nilagyan ni Mrs. Marian Rivera-Dantes ng preserved flowers mula sa kanyang online shop na Flora Vida.
Ang kikitain ng nasabing artworks ay mapupunta sa disaster resilience campaign. Kung saan ay mamimigay sila ng mga ‘go bags’, isang backpack na may emergency kit, nagiging kapote at floater sa isang disaster vulnerable schools. Ang paghahandog ng nasabing kakaibang bags ay bahagi ng proyekto ng YesPinoy Foundation sa pakikipagtulungan sa Taclob, ang ‘social enterprising group’ na gumagawa ng mga go bags. Sila ay mga ordinaryong mamamayan din na nasalanta ng bagyong Yolanda.
“More than giving the backpack it’s like teaching them resilience. Kasi the fact na handa sila, the fact na alam nila na mayroon risk dun sa area nila, nagiging prepared sila,” ani Dingdong.
Di pabor sa cyber bullying
Hindi rin lusot si Dingdong sa mga cyber bullying at maging ang mga kasamahan niya sa bago niyang teleseryeng “Ang Pagbabalik ni Alyas Robin Hood” na sina Andrea Torres at Solenn Heussaff ay hindi tinatantanan ng mga bashers at pagbubully sa social media.
“Karapatan naman talaga nilang (bashers) magkomento pero minsan kapag nasa social media ang isang tao ay kailangan mai-regulate din niya ang kanyang mga sinasabi. No one deserved to be cyber bullied,” ayon pa kay Dingdong.
“May mga hindi kasing magagandang nangyayari sa taong minsan nang na-cyber bully, may mga nabalitaan tayo na nag-commit ng suicide dahil dito. Kasi hindi naman nila makontrol ang pagba-bash. Kaya yung mga ganyang bagay dapat ma-regulate,” dagdag pa niya.
Kahit pa umano na may freedom of speech o may freedom of expression tayong mamamayan, kailangan pa rin na may regulation. Dahil minsan hindi naiisip ng mga basher na natatapakan na nila ang karapatan ng mga binu-bully nila.
Minsan ‘di pinapansin ang bushers
Hindi rin exempted ang magaling na aktor sa mga basher pero madalas hindi niya pinapansin ang mga ito.
“Kung lahat ng effort mo tinuon mo dun ay masasayang lang ang effort mo lalo pa nga’t mayroon ka pang mga magagandang bagay na dapat gawin,” pahayag niya.
So, dedma na lang?
“Ay hindi!! Pag talagang out of line na tsaka… wag na lang.. ha ha ha,” ang makahulugang pagtatapos ni Dingdong.