Nagsasagawa na ng case build up ang Duterte Administration laban kay senador Antonio Trillanes IV kaugnay sa mga offshore accounts nito.
Ito ang ibinahagi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isang press briefing sa Taguig kasunod ng nauna na nitong pahayag na kaniyang ihahayag sa publiko ang mga bank accounts ng senador.
Binigyang diin ng pangulo na walang silbi ang waiver na nilagdaan ni Trillanes kung wala namang lagda ang ka-joint account nito.
Ayon kay pangulong Duterte isang foreign government na hindi nito pinangalanan ang siyang naging source ng kaniyang impormasyon kaugnay sa mga bank accounts ni Trillanes sa ibang bansa kung saan may mga Chinese na partners ito.
Aminado ang pangulo na hindi ito madali ngunit naniniwala siya na sapat nang malaman ng publiko na maraming bank accounts sa ibang bansa ang pinakamahigpit nitong kritiko na si senador Trillanes.
Dagdag ng pangulong Duterte na may ginagawang paraan si Trillanes upang hindi mahalata ang mga offshore accounts nito dahil ang amount na inilalagay nito ay maliit lamang upang hindi paghinalaan.