PINAS

MARIAN RIVERA, walang pakialam sa ‘rating game’

Ni Wally Peralta

TINUTUTUKAN na ngayon ang teleseryeng “Super Ma’am” na pinagbibidahan ng Kapuso Primetime Queen Marian Rivera. At dahil hands on mother siya sa kanilang unica hija ng Primetime King Dingdong Dantes na si Zia bagay sa kanya ang bagong serye.

Halos dalawang taon ring nawala sa mundo ng teleserye si Marian, ang huling serye niya ay ang “Carmela” katambal si Alden Richards.

Sa muling pagsabak ngayon sa Primetime ay mahigpit ang kompetisyon ng kapanabayan niyang teleserye sa ABS-CBN lalung-lalo na pagdating sa rating dahil kaniya-kanya silang pagpapalabas ng survey na may magkakaibang data.

Ngunit para kay Marian, hindi niya iniisip ang pressure ng kanyang trabaho, ang gusto lang raw niya ay magiging maayos ang kanyang trabaho at masaya siyang nagtatrabaho.

Mas feel ang buwis-buhay

Ano naman kaya ang espesyal sa “Super Ma’am” na may dating pamagat na ‘The Good Teacher’ at ito ang napiling come-backing teleserye ni Marian? Isang maaksyong teleserye at buwis-buhay ang mga stunts. Bakit hindi isang drama? Lalo pa ngayon isa na siyang ina at maybahay.

“Maraming pinepresent sa akin ang GMA-7 pero ito ang napusuan ko, especially wholesome siya. And at the same time action talaga ang hanap ko. Eh kasi yung talaga ang gusto ko, action scene, ewan ko ba, wala lang gusto ko lang talaga ang ganung genre ng project,” Ani pa ni Marian.

“I really trained hard for this role dahil marami akong fight scenes at ayokong magpa-double.”

Dream come true

Hindi lang dahil mahilig sa action scenes si Marian kung bakit mas pinili niyang gawin ang “Super Ma’am”, may dalawa pa siyang dahilan kung bakit mas pinili niya ang isang superhero teleserye imbis na mga ‘iyakan effect’ na teleserye.

“Dream ko talaga noon pa man bago ako mag-showbiz  na maging isang teacher kaya super excited ako sa project na ito dahil natupad din ang pangarap kong maging isang guro kahit dito sa show lang,” pag-amin ni Marian.

“At isa pang dahilan, gusto ko kasi na mapapanood na ngayon ng aking anak, si Zia, ang mga teleseryeng ginagawa ko. As it teaches good moral values at super nanay naman niya talaga ako in real life.”

Naniniwala rin siya na ito ang gusto ng kanyang mga tagahanga na gumagawa siya ng fanta-serye.

Baby boy ang gustong isunod kay Zia

Bago pa man ikasal sina Dingdong Dantes at Marian ay nag-usap na rin naman sila sa kanilang magiging anak, gusto nila pareho ay isang barangay ang dami ng kanilang magiging supling. Ika nga nila pareho, the more the merrier. Pero nakakadalawang taon na silang mag-asawa at iisa pa rin lang ang kanilang anak. Mas tila matatagalan pa ngayon dahil pareho naman silang bisi-bisihan, si Dingdong may “Alyas Robin Hood” at pelikulang ginagawa, samantalang si Marian ay may “Super Ma’am” at regular weekly show na “Sunday Pinasaya” .

“Hahaha!  Ayan na nga naghahanap na ng kapatid si Baby Zia. At gusto pa niya ay isang baby brother.” Natatawang pahayag ni Misis Dantes.

Aniya, nagpaalam na siya sa Kapuso na pagkatapos ng show ay baka masundan na si Zia at pareho nilang gustong ni Dingdong na baby boy ang sunod nilang maging anak pero kung ano umano ang ibigay sa kanila ng Itaas ay malugod nilang tatanggapin at pasasalamatan.