Ni: MJ Mondejar
August 24, 2016 ng buuin ng Department of Transportation (DoTr) angĀ Inter-Agency Council for Traffic o I-ACT sa layuning masawata ang lumalalang problema sa trapiko sa Metro Manila.
Ito ay batay na rin sa naging pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte sa panahon ng kampanya noong nagdaang 2016 na susugpuin ang malalang problema sa trapiko dito sa kamaynilaan.
Ito rin ang ginamit na alternatibong paraan ng DOTr noong panahon na hinihimok pa ni Pangulong Duterte ang kongreso na bigyan siya ng emergency powers sa pagresolba sa trapik.
Subalit nitong Miyerkules ay, muling inilunsad ng DOTr ang mas pina igting na I-ACT.
Sa reinforced I- ACT, idinagdag ang Armed Forces of the Philippines, local government units sa ilalim ng Metro Manila Council at Liga ng mga Barangay ng Pilipinas sa pinagsanib na pwersa ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA, Department of Transportation, Land Transportation Office, Land Transportation Franchising and Regulatory Board, PNP-HPG na mangangasiwa sa sitwasyon ng trapiko sa Metro Manila.
Papalawigin ng I-ACT ang kanilang law enforcement sa mga lugar na kalapit ng Metro Manila gaya ng mga lugar sa Cavite, Laguna, Bulacan at Rizal.
Ang mamumuno sa pinaigting na I-ACT ay si MMDA General Manager at kasalukuyang DOTr Usec for Road Transport and Infrastructure Tomas Orbos na dati namang hawak ni PNP-HPG chief Antonio Gardiola.
Gagamitin nila ang lahat ng resources sa mga ahensya sakop ng I-ACT para magpatupad ng mga operasyon laban sa illegal parking, colorum at out of line vehicles, at illegal terminals pati narin ang anti fixer, fake licences operations at car rental scams.
Inaasahan naman na sa susunod na araw, maipapalabas na ng I-Act technical working group ang kanilang mga proyekto para maibsan ang trapik sa kamaynilaan ngayong paparating na naman ang holiday season.