Ni: Joyce P. Condat
Naging bahagi na ng araw-araw nating pamumuhay ang smart phones. Hindi maitatanggi na nahuhumaling tayo sa paggamit ng mga sites tulad Facebook, Twitter, Instagram, Youtube at iba pang social networking sites kaya naman nabansagan ang Pilipinas bilang ‘the social media capital’ ng mundo.
Hindi lang mga sites ang ating kinagigiliwan at napapakinabangan kundi pati na rin ang mga nagsusulputang apps o applications na sadyang nilikha upang makatulong ‘gumaan’ ang ating buhay.
May mga apps din na gawang Pinoy na kayang tugunan ang ating mga pangangailangan at libangan. Narito ang ilang apps na swak sa panlasa nating mga Pilipino.
Pure Force Citizens App
Napakadelikado na ng kalsada sa panahon ngayon. Maaaring may magnanakaw sa kanto, may holdaper sa isang tabi, mga driver na walang disiplina sa kalsada, at mga sitwasyong na hindi inaasahang mangyayari tulad ng sunog, aksidente, at iba pa. Hindi naman palaging merong contact number ng mga pulis o ambulansya ang bawat isa sa atin. Ngunit wala nang dapat ipangamba dahil meron nang Pure Force Citizens App na pwede mong gamitin saan mang sulok ng Pilipinas ka naroroon!
Inaalam ng app na ito ang ating lokasyon sa pamamagitan ng GPS o global positioning system. Sa panahon ng matinding kagipitan, ikokonekta nila ang iyong lokasyon sa pinakamalapit na awtoridad. Maaari ka nilang ikonekta sa pulis, doktor, bumbero, at iba pa depende sa sitwasyon.
Project NOAH
Marami nang dumating na bagyo sa ating bansa at isa sa mga hindi malilimutan ang bagyong Yolanda o Haiyan. Winasak ng super-typhoon na ito ang kalakhang Tacloban at ang iba pang mga karatig probinsya nito.
Dahil dito, binuo ng Department of Science and Technology (DOST) ang Project NOAH. Ang NOAH ay nangangahulugang Nationwide Operational Assessment of Hazards. Layunin nitong magbigay ng updates tungkol sa panahon at bagyo. Makikita mo sa app na ito ang satellite image ng bagyo sa mapa, lokasyon nito, at mga lugar na pwede nitong maapektuhan. Makikita rin sa app na ito ang mga lugar na posibleng may gumuhong lupa at bahain. Ang mga impormasyong makukuha sa app na ito ay pwede mo ring ibahagi sa iba’t-ibang social media platforms.
Sakay.ph
Naging parte na ng buhay natin ang bumyahe sa Metro Manila araw-araw. Napakatyaga nating mga Pilipinong tiisin ang bigat ng daloy ng trapiko at hirap sa pag-commute. Ang dapat na 30 minutong byahe, umaabot ng dalawang oras. Minsan ay hindi na sapat ang pagbangon ng alas-kwatro upang hindi mahuli sa eskwela o trabaho. Mas nakakadulot na nga ng stress ang pagco-commute kaysa trabaho at pag-aaral.
Ngayon, meron nang app upang mabawasan ang problema natin sa pagbyahe. Sa Sakay.ph, bibigyan ka ng alternatibong ruta na pwede mong tahakin upang hindi ka maipit sa nakakabagot na trapiko. Nakalagay dito ang mga dapat mong sakyan mula tren, bus, jeep, tricycle pati na rin ang presyo ng pamasahe. Nakalagay din kung meron bang mga insidenteng kaganapan sa madadaanan mo. Malaking kabawasan ito sa hirap na nararanasan natin araw-araw bilang commuter. Ang application na ito ay nagwagi ng Open Community Award sa Philippine Transit App Challenge.
Ipon: 52 Weeks Money Challenge
Naging trending sa social media ang pag-iipon sa buong taon na tinatawag nilang 52 Weeks Challenge. Maraming netizens ang naging interesado sa pag-iipon nang makita nila ang viral posts ng mga taong nakapag-ipon sa loob ng isang taon.
Ngayon, makakasa mo na ang hamong ito sa tulong ng Ipon app. Upang di ka na mahirapan pang magpa-print ng template ng 52 weeks challenge, I-download na lamang ang libreng app na ito. Ipababatid din ng app na ito ang progreso ng ipon mo. Layunin nitong makahikayat ng mga taong hirap sa pag-iimpok ng pera.
iNFOMUROS
Nais mo bang kulayan na ang matagal nang “drawing” ng buong barkada? Wala ka bang maisip kung saan pwedeng gumala sa Metro Manila? Pwedeng-pwede sa Intramuros! Bukod sa maganda itong pasyalan, matutunghayan din dito ang mayamang kultura, sining, at kasaysayan ng lugar na ito.
Nariyan ang iNFOMUROS upang magbigay ng kaalaman at gabay sa pagbisita sa Intramuros. Ang application na ito ay gawa ng mga mag-aaral mula sa De La Salle University. Makikita sa app na ito ang mga atraksyon na pwedeng puntahan sa Intramuros at mga bagay na dapat mong malaman tulad ng reviews, hanggang anong oras ito bukas, mga makasaysayang impormasyon, at mga larawan. Hindi ka rin maliligaw dahil meron din itong mapa upang madaling mapuntahan at hanapin ang bibisitahing atraksyon. Pwede ring gumawa ng itineraryo upang mapagplanuhan ang paglilibot sa Intramuros.
Napakaraming pakinabang ang makukuha natin sa teknolohiya kung gagamitin natin ito ng tama at maayos. Nakakamangha ang pag-unlad nito at ang tulong na nabibigay nito sa atin. Napapadali nito ang dating mahirap mula sa pag-commute, paghingi ng saklolo, pag-iipon, paghahanda sa sakuna, at maging sa pamamasyal pa nga.
Hindi rin pahuhuli ang mga Pinoy sa larangan ng teknolohiya. Patunay lang ang mga applications na nabanggit sa kakayahan nating makipagsabayan sa mga tanyag na app developers tulad ni Mark Zuckerberg. Ang nakakatuwa pa rito, hindi lang natin kayang gumawa ng mga apps na pang-libangan lang. Naging tugon ang mga applications na nabanggit sa pangangailangan ng bawat isa. Ipagpatuloy pa natin ang progresibong pag-unlad ng teknolohiya sa ating bansa!