Ni: Joyce P. Condat
Prada. Fendi. Louis Vuitton. Chanel. Hermes. Kung ikaw ay mahilig sa mga designer bags, malamang ay pamilyar sa iyo ang mga tatak na nabanggit. Sila Marian Rivera at Heart Evangelista ang dalawa sa mga sikat na artistang Pinay na nagmamay-ari ng ilan sa mga sikat na designer bags.
Kadalasan ang mga taong nasa‘alta-sociedad’ ang makikitaan mo ng mga bags na may mamahaling tatak. Makikita natin ang ilan sa mga ito sa Hollywood Red Carpet, kung saan nagpapabonggahan ang mga Hollywood actresses mula sa kasuotan, sapatos hanggang sa bag. Huminga ng malalim at ihanda ang sarili dahil talagang malulula ka sa halaga ng mga bag na ito! Ito ang ilan sa mga pinakamahal na bag sa buong mundo.
Cleoptara Clutch
Ang Cleopatra Clutch ay nilikha niLana Marks, isang South African-born American designer na tinitingala sa buong mundo. Isa sa mga mapapalad na Hollywood actress na meron nito ay sina Angelina Jolie, Kate Winslet, Charlize Theron, at ang Chinese Superstar na si Li Bingbing. Nagkakahalaga ito ng mahigit sa $100,000-$400,000. Noong December 2016, inanunsyo rin ng designer na gagawan niya ng Cleopatra clutch si Marian Rivera.
Precious Rose Bag
Ang Precious Rose bag ay gawa niJudith Leiber, isang Hungarian designer. Naging suki siya ng mga First Ladies sa iba’t ibang bansa. Ang bag na ito ay nagkakahalaga ng tumataginting na $90,000!
1001 Nights Diamond Purse
Ang bag na ito na dinisenyo ni Robert Mouawad ay nagkakahalaga ng $3.8 milyon! Ito ang pinakamahal na designer purse sa kasalukuyan ayon sa Guiness Book of World Records. Meron itong 4,517 na diyamante at may bigat na 381.92 carats.