Ni: Maynard Delfin
Doble ang nakaambang na panganib na maaaring maging sanhi ng dagliang pagkamatay ng triathletes kumpara sa mga atletang kasapi sa mga marathon. Batay ito sa bagong pag-aaral na ginawa ng Minneapolis Heart Institute sa Abbott Northwestern Hospital.
Si Dr. Kevin Harris ang doktor sa puso (cardiologist) na nanguna sa pananaliksik at nagpresenta ng mga resulta ng pag-aaral sa kumperensya ng American College of Cardiology sa Florida. Ang Minneapolis Institute Foundation ang nagpondo ng pag-aaral ng biglaang pagkamatay ng mga atleta sa national registry.
Kung susuriin ang estadistika, sa bawat isang milyong kalahok sa 26.2-milyang marathon, apat hanggang walo ang namamatay sa pagtatapos ng event.
Itinuturing na mas mataas ang bilang ng namamatay na triathletes na may 15 sa isang milyong kalahok. Pinaniniwalaan nagaganap ang karamihan ng pagkamatay habang lumalangoy ang mga atleta sa triathlon.
Basehan ng datos
Ibinase ng pag-aaral ang mga datos mula sa talaan ng 922,810 triathletes na nakilahok sa 2,846 USA Triathlon-sanctioned events mula Enero 2006 hanggang Setyembre 2008. Subalit binigyang diin ni Dr. Harris na ang bawat sport ay may kaakibat na panganib kaya’t ang pag-iingat ay di lamang nakapokus sa triathlon.
Sa pananaliksik na nakatuon sa larangan triathlon, nabanggit ni Dr. Harris na sa 14 na mga namatay, 13 sa mga ito ay nangyari habang ang mga manlalaro ay lumalangoy. Isang atleta ang bumagsak sa kanyang bisikleta. Mula sa autopsy ng anim pang mga biktima, napag-alaman na apat sa kanila ang may sakit sa puso.
Bagama’t ang dalawang atleta ay may normal na pagtibok ng kanilang puso, posibleng nakaranas sila ng biglaang pagbabago na nagdulot ng nakamamatay na ritmo ng puso (fatal heart rhythm pattern) ayon kay Dr. Harris.
Nabanggit sa British Journal of Sports Medicine, sa mga taong may pre-existing coronary heart disease, ang left ventricular hypertrophy o pangangapal ng muscle wall sa kaliwang bahagi ng puso habang tumitibok ito nang mabilis ay may panganib na kaakibat na maaaring magdulot ng biglaang pagkamatay (exercise-related sudden death).
Ironman 70.3 tragedy
Nagulantang ang lahat sa trahedyang nagdulot ng pagkasawi ng isang triathlete sa katatapos lamang na 2017 Cobra Energy Drink Ironman 70.3 Philippines nitong Agosto.
Sa unang leg ng languyan (swimming part) ng 2017 Ironman 70.3 natagpuan si Eric Nadal Mediavillo, 47, na kumakaway-kaway sa race marshals. Subalit nang siya’y masagip sa pagkalunod ay wala na siyang malay.
Agad siyang isinugod ng Emergency Rescue Unit Foundation sa Mactan Doctors’ Hospital. Sa kasawiang palad, pagdating sa ospital idineklara siyang ‘dead on arrival.’ Iniulat na ang sanhi ng kanyang pagkamatay ay cardiac arrest o atake sa puso.
Iba pang ‘triathlon tragedies’
Kalunos-lunos din ang naganap noong 2009. Sa inaugural race sa Camarines Sur, namatay din ang triathlete na si Juan Miguel Vazquez, 52, sa 1.9-km swim event pagkatapos makaranas ng stroke (pagbabara sa utak).
Pulmonary embolism naman ang naranasan ni Ramon Igana, isang relay biker at airline executive noong 2012 sa 90-km bike, na naging sanhi ng kanyang pagkamatay. Nahulog siya sa kanyang bisikleta at nabagok ang ulo sa gutter.
Ang pulmonary embolism ay ang pagbabara sa pulmonary artery na nagsusuplay ng dugo sa mga baga. Isa ito sa pinakakaraniwang sakit sa Estados Unidos na nakakaapekto sa puso. Ang pagbabara sanhi ng pamumuo ng dugo o blot clot ang pumipigil sa pagdaloy ng oxygen sa lung tissues. Ang pagkakaroon nito ay nagiging life-threatening o nakamamatay.
Saan nagmumula ang panganib
Ayon sa Men’s Journal, humigit-kumulang 1.4% ng triathletes ang nakararanas ng pulmonary edema na nakukuha habang lumalangoy. Ito ay nakamamatay na kundisyon na kung saan may natatapong dugo sa baga (blood leaks in the lungs), na nagiging sanhi ng pagkawala ng oxygen at sa mga matitinding kaso, ito ang nagiging sanhi ng atake sa puso (cardiac arrest).
Idagdag pa dito ang ibang elemento na nagiging sanhi ng stress sa manlalaro tulad ng masikip na kasuotan, malamig na temperatura ng dagat, at ang pakipagtagisan sa daan-daang mga taong lumalangoy, at dahil sa mga ito tiyak malalapit sa isang disgrasyang maaaring mangyari anumang oras sa isang atletang walang pag-iingat.
Madalas ang swim leg ang itinuturing ng mga atleta na pinakamahirap sa race dahil may mga pagkakataong malakas ang alon kaya’t ibayong pag-iingat ang kinakailangan habang lumalangoy.
Pre-existing conditions
May iilang mga atleta ang maaaring may pre-existing conditions na maaaring hindi pa nila alam o di pa nakikita na mayroon silang abnormal na kondisyon sa puso.
Sa kalaunan, kapag sumabak na sila sa triathlon dito palang lalabas ang biglaang pagkakaroon ng arrhythmia o iregular na pagtibok ng puso na maaaring magkaroon ng komplikasyon sa kahabaan ng race tulad ng pagkahilo, hirap sa paghinga o atake sa puso.
Ayon kay Dr. Harris, maraming mga panganib ang maaaring maganap sa paglangoy. Nariyan ang adrenaline rush dulot ng pag-uunahan ng mga atleta sa paglangoy sa dagat.
Maaaring maraming mga atleta ang may iba’t ibang training sa pagtakbo at iba pang sports subalit ‘di lahat ay may kasanayan sa competitive swimming lalo na sa dagat na kailangang suungin ang malalaking alon at makipag-unahan pa sa ibang manlalangoy.
“Swimming in a triathlon is a totally different sport than doing laps in the pool, due to the variability of extremes of waves as well as people swimming around you and on top of you,” sabi ni Dr. Harris.
“There’s the inability to rest properly if needed, or call for help as you could do in the marathon and bike legs, and the difficulty of being noticed if the swimmer is in trouble due to the number of athletes in a body of water, which is not transparent.”
Lubusang paghahanda
Ang paglangoy ay mapanganib dahil sa posibilidad na pagkaantalang malaman kung sino ang nalulunod sa hindi, maging sa pagsagip at oras upang madala ang isang irerescue sa isang lugar na may kagamitan sa resuscitation. Mahalaga ang agarang pagkilos sa taong isasagip.
Iminungkahi na magkaroon ang mga atleta ng warm-up exercises tulad ng pag-jogging sa site ng race o jumping jacks (pagtalon-talon) o pushups sa simula ng paligsahan.
Pinapayuhan ang triathletes, lalo na ang mga kalalakihan, na alamin ang kondisyon ng kanilang mga puso bago sumali sa mga triathlon upang maiwasan ang anumang di inaasahang sakuna.