Ni: MJ Mondejar
Sinampahan na ng mga kanaak nina Carl Angelo Arnaiz at Reynaldo “Kulot” de Guzman ang mga pulis na sangkot sa pagpatay sa mga menor de edad.
Kanina, personal na pinanumpaan sa harap ni Senior Assistant State Prosecutor Ma. Emilia Victorio ng mag-asawang Carlito at Eva Arnaiz gayundin nina Eduardo at Lina Gabriel ang kanilang reklamo laban sa mga pulis.
Katuwang ang Public Attorney’s Office o PAO, sinampahan ng 2 counts of murder sina PO1 Jeffrey Perez at Ricky Arquilita pati na rin ang taxi driver na si Tomas Bagcal na umano’y hinoldap ni Carl bago ito mapatay ng mga pulis-Caloocan.
Nahaharap din ang tatlo sa kasong torture at planting of evidence sa ilalim ng section 29 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Republic Act 10591 or Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Ayon naman sa PAO, isinama nila sa respondents ang taxi driver na si Bagcal dahil sa pagsisinungaling nito sa kanyang statement.
Sinasabing napatay ng mga pulis si Arnaiz sa isang shoot -out madaling araw noong August 18 matapos nitong holdapin ang taxi driver na si Tomas Bagcal.
Magkasama din umano sina Carl Angelo at alyas Kulot bago nangyari ang umano’y panghoholdap kay Bagcal noong Agosto.
Subalit base sa forensic evidence ng PAO, posibleng naka-posas ang kamay at nakaluhod ang posisyon ni Carl ng ito ay pinatay.
Matatandaan naman na natagpuan ang bangkay ni Carl sa C3 Road sa Caloocan na may mga tama ng bala habang noong Sept. 6,habang natagpuan naman ang bangkay ni alyas Kulot sa isang creek sa Gapan, Nueva Ecija na may 26 na saksak sa katawan.
Sa huli ay kasalukuyang nasa kostudiya ng National Capital Region Office (NCRPO) ang mga akusadong pulis at nasa pangangalaga naman isang NGO ang Tomas Bagcal.