Emosyonal na iginiit ni Philippine National Police chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa na walang malawakang pagpatay sa bansa.
Ito’y matapos na makaladkad sa senado ang umano’y pattern ng PNP sa mga pagpatay sa mga umano’y sangkot sa iligal na droga.
Sa pagtatanong ni senador Risa Hontiveros, sinabi nitong posibleng may polisiyang nasa likod ng PNP kung bakit sunud-sunod ang nagaganap na patayan sa bansa.
Giit ni dela Rosa walang anumang polisiyang nangingibabaw sa kanilang hanay.
Binanggit din ng PNP chief na wala ring order kahit ang presidente na pumatay ng inosenteng tao na hindi naaayon sa batas.
Samantala, ipinagtanggol din ni Public Attorney’s Office chief Persida Rueda-Acosta ang PNP sa umano’y pattern nito sa mga patayan sa bansa.
Ani Acosta, posibleng may pagkakahawig sa pagkakapatay kina Kian delos Santos at Carl Angelo Arnaiz ngunit hindi nito sinabing iisa ang pattern sa pagkakapatay sa dalawang binatilyo at maging sa iba pang biktima ng umano’y mass killings sa bansa.