Ni: Hannah Jane Sancho
Inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsasabatas sa Free Tuition Law kahit pa may agam-agam ang Department of Budget and Management (DBM) na mahihirapan ang pamahalaan para tustusan ito.
Gayunpaman naniniwala ang DBM na magagawan pa rin ito ng paraan.
Ipatutupad ng Duterte administration ang free tuition sa lahat ng state universities and college, local universities and colleges at technical vocational institutions kaya man ng pamahalaan o hindi na tustusan ito.
Ayon kay Budget secretary Ben Diokno, hahanapan ng paraan ng kaniyang ahensiya upang maisakatuparan ang ipinangako ng pamahalaan na mabigyan ng libreng edukasyon ang mga kabataang Pilipino.
Maglalaan ng 51 billion pesos ang pamahalaan para sa unang taon ng pagpapatupad ng batas na magsisimula sa school year 2018-2019.
Maaring ding lumobo ng 70 billion pesos ang budget sa loob ng apat na taon na ipatutupad ang batas.
Ilan sa mga nakikitang paraan ni Diokno upang matustusan ang nasabing scholarship program ay ang posibleng magbawas ng pondo mula sa ilang proyekto ng pamahalaan at ilang ahensiya ng pamahalaan at maghain sa kongreso ng supplemental budget.
Nasa 16 billion peosos ang pondo ng pamahalaan para sa scholarship programs sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.
Gayunpaman nilinaw ng budget secretary na may ibang scholarship budget na hindi pwedeng galawin tulad na lamang ang budget ng DOST para sa mga scholars nito.