Ni: Joyce P. Condat
Isa sa mga problema sa pagbyahe ang dami ng mga bagahe na binibitbit. Minsan, napaparami tayo ng dalang bag dahil na rin sa dami ng gamit na dinadala natin. Kalimitan nating nakakalimutang ilagay sa bag ang mas importanteng mga bagay dahil na rin marahil sa sobrang pagkasabik.
Upang di tayo makalimot ng mga dadalhin, narito ang ilang tips sa pag-iimpake.
- MAGKAROON NG TALAAN NG MGA KAILANGANG DALHIN. Magsulat ng listahan ng mga bagay na kailangang dalhin tulad ng t-shirt, underwear, pantulog, sipilyo, toothpaste, suklay, deodorant, at iba pa. Magbaon ng gamot tulad ng bonamine kung ikaw ay nahihilo sa tuwing sasakay ng air-conditioned bus at matagal-tagal ang byahe. Mabisa ring magpahid ng vicks, katinko, at iba pang menthol na inhaler upang mawala ang hilo. Kung ikaw ay nasusuka sa byahe, isama rin sa listahan ang plastik.
- LIMITAHAN ANG BILANG NG DAMIT. Kung ‘di naman magtatagal ang bakasyon, huwag na magdala ng masyadong maraming damit. Magbaon na lamang ng isang t-shirt na pamalit, underwear, at pantalon o short kung pupunta lang naman sa outing at uuwi rin agad pagkatapos.
- I-ROLYO ANG MGA DAMIT UPANG MAGKASYA ITO SA BAG. Malaking espasyo ang mababawas
kung irorolyo ang mga damit. Tiyak na hindi mo na kakailanganin pang magdala ng karagdagan pang bag kung gagawin mo ito.
- GAWIN ANG PAG-IIMPAKE GABI O ILANG ARAW BAGO UMALIS. Madalas tayong may nakakalimutan sa tuwing tayo ay nagagahol. Kung matagal naman nang napag-usapan ang lakad, mas mainam kung mag-impake ka nang gabi bago ka umalis upang makasigurong wala kang malilimutang ilagay sa bag.
- MAGBAON NG EKSTRANG PLASTIK O BAG KUNG MAGSI-SWIMMING. Huwag ihalo ang mga basang damit sa mga tuyo. Magdala ng bag na paglalagyan ng mga pinanligong damit.
Sundin lang ang mga nasabing tips upang gumaan ang iyong bagahe sa susunod na paglalakbay!