PINAS

Ang Nakaw na yaman ng mga Marcos: Ano ang nangyari?

Ni Edmund C. Gallanosa

SAMU’T saring reaksyon ang nanggagaling sa madla matapos ang ilang mga pahayag na magsasauli na “umano” ang pamilyang Marcos ng ‘yaman ng bayan.’  Siyempre sa mga Marcoses, hindi nila ito tatawaging ‘ill-gotten wealth,’ pero sa mata ng nakararami, ito ay yaman ng ating bansa na kanilang hinakot para pakinabangan lamang ng kanilang pamilya at ilang malalapit na tao sa kanila.

Pumutok ang isyung ito sa pagpapahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte na handa na umano magsauli ng ‘yaman ng bayan’ ang pamilya.  Kabilang umano ang ‘ilang pirasong gold bars.’ ito ang inaangal ng marami sa mga mamamayan.  Paano susukatin ang halaga ng mga isasauli ng mga Marcoses, ano ang mga isasauli at ano ang hindi?  Ano ang magiging basehan nila para malaman kung masasauli nga ba lahat o kapiranggot lamang?

Nang mapaalis ang pamilyang Marcos, madaming naiwang katanungan ang mga mamamayan, hanggang sa ngayon, madami pa din ang hindi nasasagot.

“It should be all or nothing. “

Marami ang nagpapahayag ng ganitong damdamin, nangunguna na si House of Representatives Pantaleon Alvarez nang ipahayag niya sa madla na kung may intensyon ang mga Marcoses na isauli ang yaman ng bayan sa kasalukuyang gobyerno, dapat ay lahat, at hindi pili lamang.

“The Marcoses should give it all, nothing less.”

Palpak na pamamalaka

Bakit nga ba pumalpak ang operasyon ng pagbawi ng mga ‘ill-gotten wealth’ ng ating bansa?

Himayin natin ang ilang katotohanan kung bakit hanggang ngayon, ay hindi pa nababawi ng Pilipinas ang mga yaman na tinangay ng pamilyang Marcos.

Ang PCGG

Ang Presidential Commission on Good Government ay itinatag noong panahon ng former Philippine President Cory Aquino.  Layon nito ay habulin at maibalik ang mga ‘alleged ill-gotten wealth’ ng diktador na si Ferdinand Marcos, ang kanilang pamilya at ilang mga cronies nila.

Subalit dumaan ang ilang taon, wala pa sa katiting ng tinatayang 5 hanggang 10 Bilyong dolyares ang naibabalik ng nasabing komisyon.  Ano ang mga naging suliranin ng PCGG sa mga nagdaang taon at bakit ito nangyari:

Walang Malinaw na Istratehiya

Walang malinaw na plataporma, o panuntunan kung paano gagalaw ang ahensiya ng PCGG.  Naging galaw ng nasabing ahensiya ang hit-or-miss strategy na mas lalo lang nagpagulo sa magulo na nilang pamamalakad panahon pa man ni Gng. Cory Aquino.  Pinalala pa ito ng pagpapalit-palit ng administrasyon at pagtalaga ng mga bagong opisyal nito.

Usad Pagong na Paglitis ng Kaso

Malaki ang papel ng matagumpay sanang pagbawi sa mga yaman ng bayan.  Subalit, sa mga hindi maipaliwanag na kadahilanan, ang Sandiganbayan, ang korteng naghahawak ng mga kaso laban sa mga Marcoses at ang kanilang mga alipores, ay nagaala-pagong sa usad, at maski sa kasalukuyan ay may nakabinbin pang mga kasong dinidinig.

Corruption at Scandal

Imbis na magdala ng imahing ‘good government,’ marami sa opisyales at kawani ng PCGG ang nadadawit pa sa mga bintang ng korupsyon at anomalya.  Minsan nang pinaratangan ni Enrique Zobel ng Ayala Corporation, na ilan sa kawani ng PCGG ay kumukuha pa ng ‘cut’ sa mga narerekover na yaman.

May ilan pang iskandalong napabilang ang ilang tiwaling commissioner, tulad ng ‘ginagatasan’ pa umano ang mga sinurender na sequestered corporations, paggamit ng mga sobra-sobrang biyahe abroad at pagkuha ng cash advances na walang liquidation na nagaganap.

Walang Malasakit

Maliban sa administrasyon ni Corazon Aquino, tila walang pakialam na maibalik ang mga ninakaw na kaban ng bayan ang mga sumunod na administrasyon.  Imbis na ikundina ang mali at gumawa pa ng mas mahigpit na mga patakaran at mas maayos na systema para mabawi ang mga yaman, naging bahagi pa sila ng kasaysayan upang makabalik sa kapangyarihan ang pamilyang Marcos, aminin man nila o hindi.

Ani Duterte, ‘willing’ umano ang mga Marcoses na magsurrender ng ilang yaman para sa mga mamamayan.  Bagaman marami ang taas kilay, marami rin ang nagsasabing sa pamumuno ni Digong, maaaring magbago pa ang ihip ng hangin at gumanda na ang resulta ng pagbabawi ng mga yaman sa kaban ng bayan.

“Maybe because the Marcoses does not trust the previous administration for it will just go to the corrupt hands instead of to the Filipino people,” pahayag ng netizen na si Raymond Rivera.

“It is welcome and a step forward.  However, the offer might not be enough for some sectors as the meat of the issue for them has always been about three things: admission, accountability, and complete reparation.”  Pahayag naman ni Senador Chiz Escudero.

Gagawin ani Digong, ang lahat ng kaniyang magagawa upang makipag-usap nang maigi sa mga Marcoses, para sa magandang kapakanan ng bayan.  Sana na lang, magtiwala ang bayan.   “The Chief Executive has the best interests of the Filipinos in mind, which is, how our people would benefit from the recovery of the Marcos wealth,” ani Presidential Spokesperson Ernesto Abella.

Pinayagan ni Digong mailibing ang labi ni Ferdinand Marcos sa Libingan ng Mga Bayani.  Ngayon, maaaring ang aksyong ito na galing sa mga Marcoses ay isang senyales ng reconciliation at pagtitiwala sa administasyong Digong.

Malalaman lang natin ito sa mga darating pang panahon kung ano kahihinatnan ng ng isyung ito.  Magiging sincere ba ang mga Marcoses sa kanilang nais gawin, upang maibalik ang nawalang tiwala sa kanila ng nakararami?

Sampung bilyong dolyares.  Iyan ang halaga ng maaari nating mabawi sa kanila.  Sampung bilyon.  Ni wala pa sa kalahati ang nababawi, sa loob ng 30 taon.  Sampung bilyon, malayo pa tayo sa kalingkingan ng tagumpay.   Sana nga may magawa si Digong.