Pinas News
PAPALAPIT na muli ang Pasko. Ilang linggo nalang Disyembre 24 na. Para naman sa mas lalong excited, ilang tulog nalang, ika nga.
Nakikita na natin ang kasiyahan ng Pasko sa magagarang dekorasyon sa malalaking mga mall, mga tindahan at establisamiyento sa bansa. Naririnig na din natin ito sa mga tugtugin sa radyo at sa mga patalastas sa telebisyon. Maging sa internet, marami na din ang mga masisilayan tungkol rito. At higit sa lahat, sa ating mga puso ay nararamdaman na natin ang pagsapit ng Pasko – sa kakaibang kasabikan sa mga pangyayaring maaaring dumating sa makabuluhang selebrasyong ito.
Masaya at mabiyayang panahon ang Pasko. Para sa nakararami, ito ay panahon para kilalanin muli at patatagin ang relasyon sa pamilya at mga kaibigan; panahon para maging masaya sa piling nila at magbigay din ng kasiyahan sa kanila; panahon para magbigay at tumanggap ng pag-ibig, hindi lamang sa malalapit na sa atin, kundi pati na rin sa hindi natin kilala, para sa ating mga kapit-bahay, lalo na sa mga kulang sa atensyon at pag-aruga.
Isang relehiyosong selebrasyon o ritwal para sa iba ang Pasko, kaya’t mayroong simbang gabi at iba pang mga komemorasyon sa pagkasilang ni Hesu Kristo. Para naman sa iba, ito ay panahon para lalong maging mapagpasalamat dahil ibinigay sa atin ang bugtong na Anak ng Diyos para iligtas tayo mula sa ating mga kasalanan.
A time for sharing and giving ang Pasko. Panahon para magbigay at tumanggap ng regalo. At dahil nga sa pagtaas ng komersyo sa panahong ito, marami ang bumabatikos at nagsasabing nakalimutan na umano ang diwa ng Pasko at nagiging pokus na ang mga materyal at pisikal na mga bagay-bagay. Masyado na raw nagiging “commercialized” ang Kapaskuhan.
Kahit may katotohan ang kanilang sinasabi, pakatatandaan din natin na isang bahagi lamang ang pananaw na ito. Oo, kumikita ng malalaking salapi ang mga branded companies sa panahon ng Kapaskuhan, ‘di na ito maiiwasan o matatanggihan pa, ngunit ang Pasko ay isa ding malaking pagkakataon para sa libu-libong mga negosyanteng maliliit, pagkakataon para bawiin nila ang mahinang kita sa isang buong taon.
Sa panahon lang ng Kapaskuhan kumikita ng husto ang mga maliliit na mga tindahan ng damit, gadgets, laruan, novelty at personalized items at iba pa; mga small-time at home-based bakeshops, craft makers, accessory makers, dress makers; mga gumagawa ng Christmas décor; mga small family-run resorts at restaurants; mga serbisyo tulad ng small travel agency, event organizers at rentals, homebased stylists and make-up artists; maging para sa mga nagluluto ng puto-bumbong at bibingka.
May trabahong nalilikha dahil lamang sa Pasko. Nagkakaroon pa nga ng karagdagang hiring ang ibang mga kumpanya at negosyo. At naririyan pa ang 13th month pay para sa napakaraming mga empleyado sa buong bansa.
Totoong biyaya ang panahon ng Kapaskuhan para sa lahat kaya’t huwag nating sayangin ang mga pagkakataon na taglay nito bagkus gawin nating mas lalong mahalaga sa anumang paraan na sa ating kapangyarihan na gawin.