Ni: Joyce P. Condat
ANG Obsessive Compulsive Disorder o OCD ay isang mental disorder. Madalas itong mapagkamalan bilang isang simpleng habit lamang ng pagiging sobrang malinis at sobrang maayos. Ngunit ang pagiging sobrang maayos at malinis ay hindi nangangahulugang meron kang OCD.
Nakakalungkot na ang pagkakaroon ng OCD ay may mababaw na pakahulugan sa ibang tao. Meron magsasabi ng “Ay, oo, sobrang organized ko talaga. OC kasi ako, eh.” Ang OCD ay hindi isang habit. Isa itong sakit.
May dalawang pangunahing sintomas ang OCD: ang obsession at compulsion. Ayon sa webmd.com, ilan sa mga karaniwang obsession ay ang takot na magkamali, mapahiya, mag-isip nang hindi tama, makasakit, at madapuan ng germs o dumi. Meron din silang sinusundan na pattern at ayos. Mahaba dapat ang pisi mo sa kanila dahil lagi nilang pinagdududahan ang kanilang tiwala sa sarili.
Ang karaniwang compulsion naman ay ang paulit-ulit na paghugas ng kamay, pagligo, pagtingin ng relo, pagsasaayos ng mga gamit, at pagbanggit ng isang partikular na salita. Umiiwas din silang makipag-handshake at humawak ng door knob dahil sa takot na madapuan ng dumi. Meron ding pattern maging sa kanilang pagkain.
Ang OCD ay hindi gaya ng lagnat na mawawala na lang pagkalipas ng ilang araw. Hindi naiiwasan ang sakit na ito ngunit nalulunasan ito kung maaagapan. Nangangailangan ito ng medikasyon at therapy mula sa psychologist upang malunasan ang kondisyong ito.