Ni: Janet Dacuyag
ISA nanamang mag-aaral ang nagbuwis ng buhay sa kamay mismo ng kanyang “ka-brod” sa isang madugong “hazing” o initiation rites nang pagpasok sa fraternity o brotherhood.
Itinuturing pa namang “lawyer factory” ang Aegis Juris (Shield of Justice) Fraternity ng University of Sto. Tomas (UST), ngunit bakit kailangang magbuwis ng buhay si Horacio “Atio” Castillo III, 22, isang first year Law student?
Si Castillo ang pinakahuling biktima ng “hazing”, ayon sa talaan ng pulisya. Nauna rito’y marami na ang nasawi at isinisisi sa mga fraternity na kanilang kinaaaniban ang maagang kamatayan. Ang pinakalayunin ng samahan ay tunay na kapatiran na makakatulong sa mga miyembro nito. Ngunit ang mga nangyayari ay taliwas sa tunay na adhikain ng “brotherhood”. Noon pa man ay may “fraternity” na nag-ugat sa kaapihang naranasan ng mga kasapi nito. Sila ay nagbuklod-buklod upang mapalaki at mapalakas ang kanilang samahan nang sa gayon ay magkaroon ng malaking bilang at boses.
Paano nagsimula ang “fraternity” sa Pilipinas?
Noong 1892, nagsimula ang “fraternity” sa Pilipinas nang mapukaw ang naghihinagpis na damdamin ng mga Pilipino dahil sa kaapihan mula sa kamay ng mga dayuhang Espanyol. Ang pinaka mithiin ay maging malaya at magkaroon ng kasarinlan. Ang “KKK” o Kataastaasang, Kagalanggalangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan ang unang kinilalang kapatiran sa bansa, nguni’t hindi rin ito nagtagal nang madiskubre ng mga awtoridad o guwardiya sibil ng panahong iyon.
Nagkaroon ng giyera sa pagitan ng mga Amerikano at Pilipino noong 1899 at nang matapos ang sigalot noong 1902, unti-unting namuo ang iba’t ibang samahan, na ang layunin ay umalma sa sistemang ipinapatupad ng mga ‘Kano.
Sinasabing ang unang college fraternity sa bansa ay Rizal Center subali’t wala na ito ngayon. Ang unang Greek letter frat sa Pilipinas ay Upsilon Sigma Phi na binuo noong 1918. Itinuturing itong pinakamatanda sa Asya. Eksklusibo ito para sa mga mag-aaral ng UP Diliman at UP Los Banos. Ang pinakamatandang “sorority” o kapatiran ng mga kababaihan ay UP Sigma Beta Sorority na itininatag noong Pebrero 14, 1932. Katulad ng Upsilon Sigma Phi, mga babaeng mag-aaral lamang sa UP Diliman, UP Los Banos, UP Iloilo at UP Davao ang mga miyembro nito.
Ang kainitan ng fraternities sa Pilipinas ay nagsimula noong 1950s hanggang 1990s nang unti-unti nang nagsulputan ang iba’t ibang samahan, kabilang na ang Alpha Phi Omega na dumating sa Pilipinas mula sa Estados Unidos.
Mahalaga ba ang ‘fraternity’ sa buhay ng mag-aaral?
Sa panayam ng Pinas Global, sinabi ni Michael Tuazon, 40 anyos, umaming dating miyembro ng Alpha Kappa Rho fraternity, na dala lamang marahil ng kabataan kaya siya napabilang sa grupo noong high school days niya. “Ang alam ko nga, wala namang nagawang maganda sa buhay ko ‘yon. Parang puro trouble lang naalala ko nang abangan kami ng mga kalabang frat”, pagtatapat ni Tuazon na ngayon ay isang OFW sa New Zealand bilang karpintero.
Tanda rin umano niya kung paano siya pinagpapalo ng sagwan sa likod na ininda niya ng ilang linggo. “Naka-blindfold kasi ako noon kaya hindi ko rin maituro kung sino sa mga nag-recruit sa akin ang nanakit,” patuloy ni Tuazon. Nadala umano siya sa imbitasyon ng kaklase na nagsabing adhikain ng samahan na magtulungan sa problemang may kinalaman sa pag-aaral o may nang-aapi. Inunawa umano niya ang pananakit dahil dinanas din marahil ng kanyang mga recruiter ang ganoong sistema.
Gayunman, pinagsisihan niya ang karanasang ‘yon dahil hindi na siya nakapagkolehiyo dahil nawalan na siya ng ganang mag-aral dahil na rin sa impluwensiya ng grupo.
Samantala, ayon kay Ret. Major Ismael “Maying” Dela Cruz ng Manila Police District (MPD), natutuwa siya at hindi aktibo ang Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa usaping “fraternity”. “Ok naman ang frat na ‘yan kung isinasabuhay nila ang layunin ng samahan. Napasukan na kasi ng pulitika at kung may money involved, nagugulo na,” ani Dela Cruz, 59 anyos ng Antipolo City. Idinugtong pa niya na kahit kailan ay hindi niya papayagang sumapi sa ganitong grupo ang kanyang mga anak.
Sinabi naman ni Atty. Berteni “Toto” Causing, 53 anyos, na hindi importanteng maging miyembro ng isang samahan upang maging magaling na abogado. “Ninety-five (95) percent sa amin pasado sa Bar, pero wala naman kaming sinalihang frat,” ayon sa abogado, may-ari ng Causing Law Office sa Malate, Manila at nagtapos ng abogasya sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM).
Para sa isang TV/ radio host at UP professor na si Carlos Tabunda Jr., 55 anyos, may bentahe rin ang pagiging Iglesia ni Cristo niya. “Bawal sa amin ang mga ganyan. Stop hazing, suspend frats who are engaged in illegal activities. Ganoon lang kasimple.”
Ano ang hinaharap ng ‘frat’ sa Pilipinas?
Mapapansin na lahat ng “brotherhood” group ay may isang layunin – magkaisa, magtulungan at lahat ng mabuti para sa isang tunay na kapatiran. Sa kabila nito, bakit humahantong sa kamatayan o sakitan ang mga miyembro? Itinakda ng Republic Act No. 8049, o ang Anti-Hazing Law ang mga parusa sa sinumang lumabag nito nguni’t patuloy pa rin itong hindi sinusunod. Ilan sa nakitang dahilan ay ang katotohanang iilan lamang ang nakukulong. Ang mas marami ay napapawalang-sala pa at marami rin ang tumakas na kaysa managot sa batas.
Mula nang isinabatas ang Anti-Hazing Law noong taong 1995, ang kaso pa lamang ni Marlon Villaneueva ng UP-Los Baños na nasawi sa hazing ng Alpha Phi Omega noong taong 2006 ang nauwi sa pagkakakulong ng dalawa nitong fratmen.
Dahil sa mga huling kaganapan, parang walang ngipin ang anumang batas kung hindi naman ito nasusunod.
Kung tunay na isakatuparan ang adhikain ng bawat fraternity, dapat ay dumami pang samahang ganito para sa ikabubuti ng bawa’t kasapi. At kung may lumabag naman sa batas, agad na aksiyunan at parusahan ang dapat managot.
Sa kaso ni Castillo, mayroong sumuko, may nakatakas at mayroon ding nagparamdam na susuko ngunit mas marami ang ngayon ay pinaghahanap.