MARAMING matututuhan ang mga kolehiyo at unibersidad sa bansa lalo na sa mga karanasan ng ibang mga paaralan sa ibayong dagat patungkol sa pangangasiwa ng mga fraternity and sorority sa kanilang mga campus.
Kamakailan lang ay nasawi ang isa nanamang fresh recruit na si
Horacio Castillo III, isang freshman law student sa University of the Sto.
Tomas dahil umano sa matinding hazing welcome ng sinalihang fraternity na Aegis Juris fraternity.
Ang kaso ng pagkamatay dahil sa hazing ay hindi lamang sa Pilipinas nangyayari, kung di maging sa ibang mga bansa katulad ng Estados Unidos, na nagtala ng mahigit 95 na insidente ng kamatayan ng isang “pledge” o “recruit” mula noong dekada ‘50.
Dito naman sa Pilipinas, mahigit kumulang 36 na kabataan ang namatay na dahil sa hazing magmula pa noong taong 1954.
Taliwas sa pagkakaunawa ng iba, ang hazing ay hindi lamang simpleng hahampasin ng paddle ang isang bagong aanib sa grupo hangga’t ito’y bugbog sarado o kaya’y tutuluan ang katawan nito ng mainit na kandila. Ayon sa deskripsyon ng batas, ang hazing ay anumang uri ng pisikal o sikolohikal na pagpapahirap, kapinsalaan o kapahamakan na natanggap ng isang bagong recruit bilang “initiation” ng isang grupo.
Sa kaso ng isyung ito sa Estados Unidos, kabilang sa nagiging dahilan ng pagkakasawi ng mga tinatawag nilang “frat pledge” sa hazing ay dahil sa pinsalang natamo sa sobrang pag-inom ng iba’t ibang uri ng alak sa loob ng maikling panahon, pinsalang natamo dahil sa kakulangan ng tulog o pahinga, cardiac arrest dahil sa over-exertion, dehydration at labis na pagkabilad sa init o lamig, “water intoxication” o sobrang pag-inom ng tubig, at marami pa.
Dahil sa dami na ng insidente na “death by hazing” sa naturang bansa ay tuluyan nang ipinagbawal sa 44 na estado ang hazing at itinuring na itong isang krimen.
Kabilang din sa pinarurusahan sa ilalim ng batas roon, maging sa ating sariling Anti-Hazing Law, kung ang hazing ay nagresulta sa “rape”, “sodomy”, at “mutilation” ng isang recruit.
Ngunit, tila palamuti lang ang nasabing kautusan, dahil wala pa ring tigil ang hazing kahit pa man ipinagbawal na rin ito sa maraming mga kolehiyo at unibersidad at kung saan expulsion pa ang parusa sa mga fratmen na sangkot at pag-ban naman sa campus para sa fraternity, hinakbang na rin ng iilang paaralan doon, tulad ng Williams College, Middlebury College at Colby College sa New England, ang tuluyang pagbawal ng pagkakaroon ng fraternity at sorority sa loob ng kanilang mga campus.
Naniniwala ang mga administrador ng mga nabanggit na institusyon na hindi malaking kawalan sa paaralan kung mawalan ito ng mga fraternity dahil mas marami pang ibang organisasyon sa loob ng kanilang mga paaralan ang mas makabubuti pa sa pag-unlad ng kanilang mga mag-aaral. Maging sa tanyag na Harvard University, ay iminumungkahi na rin ng iilang akademiko ng paaralan na ipagbawal na ang fraternity.
Sa Cornell University naman, kung saan bawal ang hazing, may pagsisikap na baguhin ang mentalidad ng mga frat at magkaroon ang mga ito ng “paradigm shift” sa sistema ng pag-initiate ng kanilang mga recruit. Nakasentro sa reporma ng unibersidad ang pagtuturo na hindi kailangan ang hazing upang magkaroon ng pagkakaisa sa loob ng organisasyon; hindi rin ito ang tanging paraan upang magkaroon ng katapatan o pananagutan ang isang bagong miyembro ng grupo; at hindi rin kailangan na karahasan ang maging kinaugaliang tradisyon ng isang samahan.
Itinutulad nga ng naturang paaaralan ang hazing na tila isang hurricane na nanalasa ng isang komunidad; oo, may pakiramdam nga ng pagiging malapit sa isa’t isa pagkatapos ng kalamidad, ngunit mayroon naman sa mga miyembro nito ang labis na napinsala at naghihirap dahil sa pangyayari.
Ayon pa rin sa unibersidad, hindi rin tanda ng kalakasan at pagiging isang tunay na lalaki ang dumaan sa hazing, dahil marami sa mga pumapayag na sumailalim dito ay dahil sa peer-pressure o dahil na rin sa takot na tawagin silang duwag — mga damdaming may kaugnayan sa “insecurity” na hindi tanda ng kalakasan at tiwala sa sarili.
Wala rin umanong katotohanan na mawawala ang natatanging karakter at katanyagan ng isang frat kung magiging madali na lang itong pasukin dahil sa totoo ay hindi naman talaga sila naiiba dahil katulad lang sila sa ibang mga frat, pare-pareho ang mga sistemang pinaiiral sa pagrekluta ng mga miyembro.
Hamon nga ng paaralan sa mga fraternity at sorority na umalis na sa “cycle of revenge” na dulot ng hazing at maghanap ng “constructive” at positibong mga alternatibong aktibidad na bagaman “intense” at “challenging” ay walang banta sa kapakanan at kalusugan ng recruit.
Kabilang sa inihahandog nilang mga alternatibo ay mga gawaing kawang-gawa, mga outdoor activities tulad ng pagsali sa challenge course, o kaya’y mga “team building activities” katulad ng ginagawa ng ibang mga kumpanya, entertainment night, road trip, at mentoring.
Hindi man gaanong “exciting” kung pakikinggan ang mga nabanggit, ngunit sa kalaunan umano, ang positibong pagkakakilanlan ng frat ang makaaakit sa pinakamainam na mga recruit.