PINAS

Leo Messi: Hari ng Football

Ni: Ma. Leriecka Endico

DO you like Messi? Naging usap-usapan sa social media ang tanong na ito dahil sa sikat na K-drama na Weightlifting Fairy, matapos tanungin ng bidang si Kim Bok Ju ang kanyang hinahangaan na doktor tungkol sa sikat na atleta na si Lionel Messi. Kaugnay nito, hindi maipagkakaila ang kasikatan ng record holder na atleta sa larangan ng Football.

Si Luis Lionel Andres “Leo” Messi ay ipinanganak noong ika-24 ng Hunyo 1987 sa Rosario, Santa Fe Province, Argentina. Kasama ang kanyang 3 kapatid, lumaki si Messi sa isang pangkaraniwang pamilya sa kanilang bansa. Ang kanyang ama na si Jorge Messi ay isang manggagawa sa isang pagawaan ng bakal habang ang kanya namang ina na si Celia Cuccittini ay isang tagalinis.

‘The Machine of ‘87’

Bata pa lamang ay kinakitaan na ng potensyal si Messi sa larangan ng Football. Sa edad na 5, nag-umpisa maglaro si Messi para sa Grandoli sa ilalim ng pag-eensayo ng ama. Nang siya ay tumuntong sa edad na 8, nakasali siya sa Newell’s Old Boys. Ang kanilang grupo ay pinangalanan nilang ‘The Machine of ‘87’. Naging sikat ang kanilang grupo dahil sa husay nito sa paglalaro.

Paglipat ng Espanya

Ang isang masamang balita noon ay naging tulay upang maging panimula sa kanyang pagiging katanyagan ngayon. Napag-alaman na mayroon siyang Growth Hormone Deficiency (GHD) sa edad na 11. Ang kondisyon na ito ay pumipigil sa paglaki ng isang tao at nangangailangan ng magastos na panggamot. Interesado ang lokal na samahan ng River Plate na pumirma ng kontrata upang kunin si Messi ngunit hindi kasama ang pagbayad sa kanyang mga medikal na gastusin.

Sa kabutihang-palad nabigyan ng pagkakataon na magpakitang gilas si Messi sa Barcelona at matagumpay niyang napahanga ang tagapagsanay ng samahan na si Carles Rexach. Binigyan ni Rexach ang atleta ng kontrata na nakasulat pa umano sa paper napkin, upang kunin si Messi at tulungan ang atleta na gumaling sa kanyang medikal na kondisyon,

Naging miyembro si Messi ng prestihiyosong FC Barcelona Youth Academy matapos lumipad ng Espanya ang atleta kasama ang kanyang ama para doon magsanay at magpagaling, ayon sa kanilang napagkasundaan.

“I made a lot of sacrifices by leaving Argentina, leaving my family to start a new life. But everything I did, I did for football, to achieve my dream. That’s why I didn’t go out partying or do a lot of other things,” wika ni Messi sa isang ulat.

Naging opisyal na mamamayan ng Espanya ang atleta noong 2005, matapos ang ilang laro na nagsimula noong 2000. Ito ay naging hakbang upang masimulan ang kanyang pagpasok sa kampyonato.

Guinness World Record Holder

Dahil sa kakaibang husay sa paglalaro at mahabang listahan ng mga parangal nito, hawak ngayon ni Messi ang Guiness World Record bilang natatanging atleta ng football na nakagawa ng 91 goals sa isang taon. Dagdag pa rito, siya lamang ang manlalaro sa buong mundo na naka-iskor sa 19 na sunod-sunod na laban.

“The ball stays glued to his foot; I’ve seen great players in my career, but I’ve never seen anyone with Messi’s ball control,” ani Diego Maradona, isang retiradong atleta sa larangan ng football.

Sa paglipas ng panahon at pamamayagpag ng atleta, kaliwa’t kanan ang parangal na natatanggap nito. Isa na nga rito ay ang pamosong parangal na Ballon d’ Or na kanyang natanggap hindi lang isa kung hindi 5 beses mula sa mga taong 2009, 2010, 2011, 2012 at 2015.

“To tell you the truth this is really quite unbelievable. The fourth award that I have had is just too great for words,” aniya sa isang ulat ng BBC matapos matanggap ang parangal sa ikaapat na pagkakataon.

Leo Messi Foundation

Hindi natatapos sa pagiging mahusay na atleta si Messi. Noong 2007, itinayo niya ang Leo Messi Foundation, isang organisasyon na tumutulong sa mga bata na masuportahan ang kanilang pag-aaral at pangangailangang pangkalusugan. Ito ay ang kanyang pagbabalik ng tulong sa mga batang katulad niya noon. Bilang isa sa mga world’s highest-paid footballers, lahat ng pera na ginagamit sa organisasyon ay mula sa kanyang kita. Nakilala rin siya bilang goodwill ambassador ng UNICEF noong 2010.

Hunyo ng nakaraang taon malungkot na inanunsyo ng atleta ang pagreretiro. Ngunit binawi niya rin ito at sinabing “I see there are many problems in Argentinian football and I don’t intend to create another one.”