PINAS

Luis, tutuparin ang pangako kay Anne

By: Wally Peralta

Hindi na bumabata ang Kapamilya TV-host actor na si Luis Manzano at aminado siyang  nagbibilang na ng oras ang orasan para sa kanya at kailangan na niyang lumagay sa tahimik o bumuo ng sariling pamilya.

“At 36, im telling you, nararamdam ko na tila, my clock start ticking, saying your time starts now, ha-ha-ha”, ang masayang pahayag ng anak ng actor.

Ilan sa mga kaibigan ni Luis ay ikinasal na at may mga anak na rin. Malapit na ring ikasal ang kaibigan niyang si Billy Crawford sa girlfriend nitong si Coleen Garcia at maging kanyang minsang naging girlfriend na si Anne Curtis sa boyfriend naman nitong si Erwan Heusaff ay ikakasal na rin.

Wala sa kasal ni Billy

Sinabi pa ni Luis na posibleng hindi siya makapupunta sa kasal ng kaibigang si Billy kung matuloy ang mga napag-usapan na araw ng kasal dahil may mga commitment na siyang napirmahan.

“Kung hindi mababago ang plano nina Billy at Coleen sa araw na gusto nilang pakasal, malabo talagang makasama ako sa entourage nila”, ani Luis.

Pero, kung hindi umano siya makadalo sa kasal ng kanyang kaibigan, masaya siya para sa mga ito.

Man of honor ni Anne

Nakatakda naman na siya ang maging ‘man of honor’ sa kasal ng kanyang ex-girlfriend at matalik na kaibigan na si Anne.

Ikinuwento niya na may pangako sila sa isa’t isa ni Anne kaya hindi niya ito puwedeng tanggihan.

“Kay Anne, nakaka-touch, kasi ‘di ba ikakasal na nga siya. She sent me a letter saying na ‘may promise tayo sa isa’t isa and would you be my man of honor sa kasal?’ So kasama ako sa entourage ng kasal niya. ‘Yun ang promise namin sa isa’t isa na kailangan part ako roon. At the same time kapag ikinasal na ako she will be my best woman”.

No comment sa kasal kay Jessy

Kailan naman kaya nila balak na magpakasal ng girlfriend na si Jessy Mendiola?

“Kailan lang pinag-usapan naman yung sa amin dalawa ni Jessy, and no comments na lang muna, basta lahat ng bagay tungkol sa pagpapakasal namin ay napapagusapan na namin. Anyway she’s still young at 24 and marami pa rin naman siyang gustong gawin, im just here, wait na lang kung ready na siya”, ani Luis.

Mas mahal ang hosting kaysa acting

Parehong actor ang kanyang mga magulang, sina Cong. Vilma Santos at Edu Manzano, kaya hindi kataka-taka kung magaling din siyang umarte. Ngunit, di tulad ng kanyang mga magulang, madalang pa rin sa patak ng ulan si Luis na gumawa ng pelikula lalong-lalo na ng teleserye. Huling ginawang movie ni Luis ay ang “All My Life” kasama si Ate Vi at nagkaroon pa si Luis ng acting award sa kanyang role sa naturang movie bilang isang ‘confused’ gay.

Inamin ng actor na nami-miss rin niya ang pag-arte pero hindi naman siya namimili ng proyektong gagawin.

“Actually, miss na miss ko na nga gumawa ng madramang pelikula o teleserye, pero parang mas nalilinya ako sa pagiging isang host and I’m enjoying it naman. Kasi mas gusto kung mag-host kaysa umakting”, wika ni Luis.

“But then, gusto ko rin subukan gumawa ng ibang karakter sa movie, yung kakaiba, parang tulad ng isang authistic o baliw. Kaya nga lang hindi pa ito dumarating”.

“Anyway, sa hosting kasi ako ngayon in-demand, lalo pa nga’t mangilan-ngilan lang kami dito, unlike sa pagiging actor, marami-rami na at may mga bago pang parating”,  pahayag ni Luis.