Pinas News
Maraming mga eksperto ang nagsasabi na imposibleng sugpuin ang kalalakalan ng ilegal na droga dahil habang may demand ito, magkakaroon ito ng suplay.
Ito mismo ang naging opinyon ng dating pangulo ng Mexico na si Felipe Calderon matapos ang kanyang 6 na taon na panunungkulan bilang pangulo ng naturang bansa na nagtapos taong 2011. Sa loob ng kanyang termino, inilunsad ni Calderon ang Operation Michoacan kung saan idineploy ng pamahalaan ang pinagsanib na pwersa ng polisya, militar, marines, at hindi mabilang na mga helicopter at eroplano upang harapin ang problema ng mga drug-cartel sa bansa. Ang resulta? 60,000 drug-related homicides pa rin ang naitala sa loob ng 6 na taon habang lumalaki pa lalo ang drug trade sa Mexico.
Ganito rin ang pahayag ng The Global Commission on Drug Policy kung saan kabilang ang mga dating mga pangulo ng mga bansang Brazil, Mexico, at Columbia kung saan talamak ang kalakalan ng ilegal na droga, at ilan pang mga dating heads of state at mga heads of organization, na isang kabiguan ang 4 na dekadang global ‘war on drugs’.
Ayon pa sa ulat ng grupo, wala umanong epekto ang milyon-milyong dolyar na ibinibuhos ng mga pamahalaan sa drug war dahil tinatanaw umano ang problema bilang isang problema ng ‘supply’ at hindi problema ng ‘demand’. Kung aasa umano ang mga pamahalaan sa kapangyarihan ng batas at sandata upang sugpuin ang suliranin ng ilegal na droga ngunit hindi naman tinutugon ang problema ng drug- treatment at kung paano mabawasan ang paggamit ng mga ipinagbabawal na gamot, magpapatuloy umano ang karahasan at paglaki ng mga organized crime groups na may kaugnayan sa droga.
Tinukoy pa nga ng isang eksperto ang tinatawag na “balloon effect” na ang ibig sabihin kung magiging malupit at batas sa isang bahagi ng ilegal na kalakakalang ito, ililipat lamang umano ng mga sindikato ang kanilang akitibidad sa ibang bahagi. Hulihin man at ikulong ang mga lider, may bagong mga lider na susulpot. I-shut down man ang isang shabu lab, o sunugin ang isang plantasyon ng Marijuana, magtatayo lamang ang mga ito ng iba. Patayin mo man ang lahat ng mga dealer, may papalit din sa kanila na bagong mga dealer.
Kamakailan lang ay naglabas ang Philippine National Police (PNP,) ng pahayag na umabot lamang umano sa 6,225 ang bilang ng mga napatay sa operasyon ng pulisya laban sa iligal na droga mula noong Hunyo 2016 hanggang Setyembre 30 ng kasalukuyang taon, kahit pa man mahigit 12,000 ang tinatayang bilang ng mga human rights groups. Daan-daang libo na mga drug surrenderees, libu-libo na rin ang mga nasa kulungan, may mga sinasabing mga drug lord na pinatay, may mga ikinulong at may mga kinasuhan.
Ngunit, hanggang saan aabot ang kampanyang ito ng pamahalaan? Hindi layunin ng lathalaing ito ang sabihin kung tama ba o mali ang pamamaraan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa labanang ito, ngunit kailangang malaman din ng taumbayan kung ano pa ang mga hakbang na ginagawa ng pangulo sa larangan ng rehabilitasyon at prebensyon. Nais makita ng nakararami ang mga programang may bisa at may malaking epekto, nilaanan ng sapat na pondo at ipaptutupad na kasing tindi ng kung paano ipinatupad ang madugong Operation Tokhang at Double Barrel.