PINAS

Namuhunan ng 5 kilong karne, ngayon ay 45 na taon na sa merkado

Ni: Ana Paula A. Canua

KILALA ang Pampanga bilang kapital ng pinakamasarap  na longganisa, tocino at tapa—mga pagkaing  latak na, ulam pa rin. Isa sa mga unang sumubok ng kanilang kapalaran sa negosyong ito ay  ang mag-asawang  sina George M. Dungao at Teresita G. Olilia- Dungao.

Nagsimula ang mag-asawa ng kanilang munting negosyo noong  taong 1972  sa kusina ng ama ni Mr. Dungao na si dating councilor Wilfredo C. Dungao Sr. and Mrs. Sevilla M. Dungao sa bayan ng San Fernando, Pampanga.

Nagsimula lamang sa limang kilong karne ang mag-asawa, at sumubok ng iba’t ibang recipe hanggang sa makuha ang tamang timpla para sa kanilang tocino. Katulad ng ibang maliit na negosyo, naghouse to house sila sa pagbebenta. Nagsimula sa pagbebenta sa mga kakilala at kapitbahay hanggang sa patuloy na dumami ang orders sa mag-asawa. Mula limang kilo, naging sampung kilo na karne na ang kinailangan nila para masupplayan ang kanilang mga costumer.

Ilang linggo lamang sa pagbebente ng tocino, nabawi na  ng mag-asawa ang puhunan  at saka naman sila nagsimulang gumawa na rin ng longganiza.

Para makakuha ng sariwang karne at pampalasa, madaling araw pa lamang ay sinisimulan na nila ang  pamimili sa palengke.  Hanggang hapon ay binubuno nila ang proseso ng paggawa ng tocino at longganiza mula paghahanda, paghahalo, pagrerepack at pagdedeliver ay magkatuwang ang mag-asawa.

Hindi lamang sa pagsasama epektibo ang team work nila  kundi pati na rin sa negosyo.

Nirerepack nila ang tocino ng 500 grams, samantalang per dosena naman ang bentahan ng longganiza. Nauubos ang umaga ang mag-asawa sa paggawa ng kanilang produkto at pagsapit ng hapon saka naman nila ito dinadala sa kanilang  mga suki.

Isang taon lamang makalipas nagkaroon ng pangalan ang kanilang produkto, na tinawag sa pangalang Tita’s  Kitchen. Dahil sa suportang binibigay at pananampalataya ng kanilang mga magulang, nagpatuloy ang mag-asawa sa kanilang negosyo hanggang sa lumago ito at nakilala sa Pampanga.

Mula probinsya dinala ng mag-asawa ang kanilang produkto sa Central Luzon at Metro Manila. Nagkaroon na rin sila ng mga empleyado para ma-produce ang kinakailangan na supply sa kanilang mga costumers, na hindi na lang mga kabahayan kundi mga kainan at restaurants na rin.

Naging layunin ng Tita’s kichen na tulungan ang hanapbuhay ng kapwa Pilipino. Mula sa kanilang product objective na “Helping Filipino people make livelihood”.

Walang naging short cuts ang  paggawa ng mag-asawa ng kanilang produkto gayundin ang kanilang negosyo kaya naman  naging tuluy-tuloy ang kanilang asenso. Mula sa maliit na kusina ngayon ay may planta na at meat dealers ang Tita’s Kitchen.

Hindi lang pagsasama ang tumagal sa mag-asawa kundi ang kanilang negosyo rin, sa ngayon nasa 45 taon na sa hapag-kainan ang Tita’s Special Pampanga meat products. Lumawak na rin ang kanilang produkto hindi na lang tocino at longganiza, mayroon na rin silang bacon, ham, hotdog, burger patty at tapa. Ang mga pagkaing ito ang nagpapasarap sa ating umaga at abot- kaya pa rin ang halaga ng kanilang mga tinda.

Kaya payo sa mga magsing-irog na nais na sumubok ng negosyo, hindi lang pangarap ang mahalaga, samahan ng sipag,  tibay ng loob at tiyak hindi lang pag-ibig ang lalago pati ang negosyong pinundar.