Pinas News
LUMANG kasabihan, gasgas na at wala na sa uso kung tawagin, ngunit ang katagang “no man is an island” ay punong puno ng katotohanan na hindi makakaila.
Walang taong maaaring mabuhay ng normal sa mundong ito kung siya ay mag-isa at hiwalay sa tulong, pag-ibig o pakikiramay ng ibang tao, pamilya, kaibigan o lipunan; wala ring organisasyon na makatatayo kung walang suporta mula sa iba ding mga grupo o sa mga taong may katulad ding paniniwala sa tinataguyod na adhikain. At lalong walang bansa ang maaaring umunlad na walang tulong at proteksyon mula sa iba pang mga bansa.
Kahit pa ang bansang Pilipinas ay binubuo ng maraming mga isla, hindi tayo nabubukod sa tinatawag na “community of nations”, kaya’t nabibilang tayong miyembro sa mga grupong katulad ng United Nations, ASEAN, International Labor Organization, World Trade Organization, Group of 24, G-20, G-77 at marami pang iba, na ang tanging pakay ay magkaroon ng pagkakaisa sa pagitang ng mga member-nations, pagtutulungan, pag-uugnayan, kasama ang pagbabantay ng kilos ng bawat isang bansa nang manatiling mapayapa, makatao at mapangalagaan ang mundo para sa darating pa na mga henerasyon.
Hindi dapat magalit ang ating pamunuan dahil sa kritisismo at pag-uusisa ng ibang mga bansa at grupo dahil sa nangyaring pamamaslang ng mga drug suspects sa bansa. Hindi ito dahilan upang palayasin ang embahador nito mula sa Pilipinas o sabihin hindi na natin tatanggapin ang anumang “fianancial aid” na mula sa kanila. “False pride” ang tawag dito dahil maraming nanganailangan na mga Pilipino.
Mula nang magsimula ang kampanya laban sa droga noong nakaraang taon, mahigit 6,000 ang iniulat ng PNP na napatay sa anti-drug operations ng pulisya. Hindi mabilang rito ang sinasabing “extra-judicial killing” kabilang ang mga kabataang sinasabing binaril kahit sumuko na, nakaluhod at nagmamakaawa pa. Tungkulin ng mga international organization, at maging ng ibang mga bansa, na tuligsain ang nakikita nilang paglabag sa karapatan pantao kahit ng mga suspected criminals. Hindi nila ginagawa ang kanilang misyon at tungkulin kung hindi nila himasukin ang bansa sa bagay na ito.
Naging balita ilang linggo lang ang nakaraan ang silakbo muli ng galit ng pangulo sa European Union (EU) dahil sa kritisismo ng isang grupo mula sa naturang lugar kahit pa man itinanggi ng EU na kanila itong opisyal na delegasyon. Kahit pa man hanggang bibig lamang ang mga salita ng pangulo na kilala sa pagiging mapusok at behemente, at hindi naman sineryoso ng mga diplomatiko mula sa EU ang kaniyang mga salita, maaaring malagay sa peligro ang hanap-buhay at seguridad ng maraming mga Pilipino dahil rito.
Tinataguriang ngayon ang EU bilang number 2 trading partner ng Pilipinas na mayroong $6.1 bilyon na halaga ng exports noong unang bahagi pa lamang ng taong ito, dumaluyong bigla ng 36% kumpara sa nakaraang mga taon dahil sa tinatawag na “preferential trade scheme” na iginawad ng EU sa Pilipinas, natatangi sa buong ASEAN. Ngunit dahil sa pangungutya ng pangulo, ayon sa mga eksperto, maaaring malagay sa alanganin ang naturang preferential scheme. Nakasalalay ang muling pag-aapruba nito sa pagsusunod din natin sa mahigit dalawaput pitong international treaties and conventions, kabilang na ang mga alituntunin hinggil sa karapatan pantao. Kaya sana, matutong magtimpi ang pangulo.
Nais natin lahat na maging matagumpay ang pamumuno ng ating presidente, ngunit kung siya mismo ang gumagawa ng kanyang hukay at hukay ng kanyang pamamahala, alalahanin niya sana na milyun milyong Pilipino ang madadamay sa bawat niyang pagkakamali.