Pinas News
KAMAKAILAN lang ay nagsumite na ng draft constitution ang PDP-Laban Federalism Institute—mula sa partido ni Pangulong Rodrigo Duterte—sa mga kapulungan ng Kongreso upang simulan ang pagtalakay sa mga repormang konstitusyonal.
Ang PDP Laban draft constitution ay produkto ng halos isang taong masusing pag-aaral ng study group na binuo ng Federalism Institute kasama ang mga eksperto at mga akademiko.
Ang draft constitution ay maaring hatiin sa tatlong bahagi:
- mga probisyon para sa federalism (power-sharing sa pagitan ng pambansang pamahalaan at mga pamahalaan sa rehiyon)
- mga probisyon para sa semi-presidential system
- repormang pulitikal, electoral at pang-ekonomiya.
Ayon sa executive summary ng draft constitution, nais lamang nitong amyendahan ang 1987 Constitution dahil marami namang mga magagandang probisyon ang nasabing saligang batas. Patungkol sa federalism, iminumungkahi na ibigay na sa mga pamahalaang pangrehiyon ang karapatang magdesisyon nang may autonomiya sa mga serbisyong tulad ng social welfare, turismo, tubig, waste management, pamatay-sunog, regional development planning, prangkisa at lisensya, at iba pa. Iminumungkahi rin na dagdagan ang bahagi ng pondo para sa mga rehiyon at pamahalaang lokal.
Ayon sa mga nanguna sa study group—sina Jonathan Malaya at Edmund Tayao, ang nasabing dokumento ay isang “draft” at huwag asahang maging perpekto. Bukas naman ang PDP-Laban para sa mga suhestiyon para mas mapabuti pa ang draft. Gayunman, maaari nang pag-debatehan ang isang “working document.”
Madalas, kapag may naririnig akong tumututol sa federalism, nagtataka ako kung ano ang tinututulan nila. Ang federalism ay isang masalimuot na konsepto at reyalidad kung saan mahirap humantong sa isang tiyak na opinyon hangga’t hindi pa nailalatag ang lahat ng istruktura at ugnayan sa iminumungkahing federalism. Ang bawat bansang federal ay may kani-kaniyang modelo na hindi maaring isalpak lamang sa ibang bansa. Ngunit ngayon, kung may tututol o may papabor, may reference na silang patutungkulan.
Ang pagkakahirang kay Malaya bilang assistant secretary sa Department of Interior and Local Government (DILG) ay isang konkretong hakbang din upang mas madalisay ang mga probisyon at mailatag ang “messaging” tungkol sa opisyal na bersyon ng federalism na isusulong ng pamahalaang Duterte. Magpasahanggang ngayon, ang adbokasiya at pagpapaliwanag sa federalism ay watak-watak at minsan ay may mga kontradiksyon ang iba’t ibang bersyon.
Subalit ang maaaring pinakamahalagang dapat pagtuunan ng pansin ng PDP ay ang “messaging” na mag-uugnay sa federalism sa mga pang-araw-araw na suliranin ng ordinaryong Filipino. Paano nito masosolusyonan ang mga suliraning ito at bakit sa federalism ito matatagpuan. Ayon sa survey ng Pulse Asia noong Marso 2017, tatlong porsiyento (3%) lamang ng mga Filipino ang nagsabing dapat maging prayoridad ang pagbabago ng konstitusyon. Mahaba-haba pa ang kumbisihan sa mayorya ng mga mamamayan upang magkaroon ng matibay na suporta para sa federalism. Subalit, tila nakalanghap ng oxygen ang federalism movement sa mga pangyayari kamakailan.
Si Raphael Montes Jr. ay isang researcher at consultant sa Center for Local and Regional Governance ng Unibersidad ng Pilipinas. Sya ay nag-aral at naging Research Fellow din sa Institute of Federalism, University of Fribourg sa Switzerland. Kasama sya sa mga sinangguni ng PDP-Laban Federalism Institute Study Group.