PINAS

Pag-asa Ng Buhay, pag-asa ng inang Kalikasan

Ni: Eyesha N. Endar

SA loob ng maraming taon pinangungunahan ng Pag-Asa ng Buhay Association Incorporated (PNBI) ang pagtatanim ng mga puno at Bakawan (mangrove) sa iba’t ibang lugar ng Pilipinas upang maipakita at maipaalam sa lahat ng mga tao kung gaano kahalaga ang pagtatanim para maibalik ang dating ganda at anyo ng inang kalikasan.

Sa taong ito, tinutukan ng PNBI ang pagtatanim ng mga Bakawan upang matulungan ang mga komunidad na nakatira sa tabi ng dagat na maprotektahan ang kanilang mga sarili sa mga kalamidad na posibleng darating sa kanilang lugar dulo’t ng di mapigilang Climate Change.

Katuwang ang buong pamunuan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), City Environment & Natural Resources Office (CENRO) ng Calaca, Batangas at ang Calatagan Mangrove Development Alliance (Calmada) nagtamin ng mahigit 3,000 na mga mangrove tree ang PNBI sa Barangay Balibago, Calatagan kamakailan.

Ayon pa kay Januel Peras, CENRO, Calaca, proteksyon ng mga Pilipino sa kalamidad kagaya ng mga bagyo at tsunami na dulot ng kalikasan ang pagtatanim ng mga mangrove.

Aniya, masaya sila ngayon dahil nakikita na ng mga tao ang kahalagahan Bakawan sa kanilang pamumuhay sa araw-araw lalung-lalo na sa mga mangingisda dahil dito nila kinukuha ang kanilang kabuhayan.

“Kung maganda ang mangrove natin, maganda ang ating kalikasan. Alam rin natin na ang mga Bakawan ang pinangainan ng mga maliliit na isda, ito rin ang kanilang proteksyon upang hindi makain ng mga malalaking isda. Naging nursery nila ito hanggang sa lumaki sila,” pahayag ni Peras.

Minsan man umanong naging dumpsite ang mga mangrove areas at ginawang tahanan ng mga tao dahil sa kakulangan ng kaalaman sa kahalagahan nito pero hindi na ngayon dahil lumalawak na ang awareness ng mga tao na dapat pahalagahan ang mga mangrove areas ng ating bansa.

Ayon kay Vergilio Enriquez, Presidente ng Calmada, sa loob ng siyam na taon naging matagumpay sila sa kanilang programa na ipaalam sa mga tao kung gaano kahalaga na pag-aalaga at pagtatanim ng mga mangrove sa kanilang lugar.

Ang papel umano nila na mga nakatira sa mangrove areas ay alagaan ang mga mangrove na bumubuhay sa kanila sa araw-araw.

Ayon naman Elizabeth Dandan, hinding-hindi magsasawa ang mga volunteer ng PNBI sa pagtatanim ng mga mangrove kahit saan pa man sila makarating dahil ito ang kanilang adbokasiya.

“Sana makikita nating lahat kung gaano kahalaga ang ating kalikasan, ang ating kagubatan dahil ang problema natin sa climate change ay hindi problemang pang local kaya kailangan lahat ng bansa ay magpakita ng mga inisyatibo kung paano ito hindi man totally na maiiwasan at least mababawasan,” dagdag pahayag ni Peras.

Pinalawig naman hanggang 2028 ang Executive Order No. 26, hinggil sa National Greening Program ng Pamahalaan na nilagdaan ni dating Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III noong 2011.

Mandato ng gobyerno na lahat ng taong may kapasidad na magtanim ay lumabas sa kani-kanilang mga tahanan, pumunta sa bundok, sa baybayin at magtanim kahit sampong puno sa loob ng isang taon.