Pinas News
Pasaring dito, pasaring doon. Batuhan ng putik dito at doon. Papogi rito, nagpapabango ng pangalan doon. Tanong lang kaibigan, Pulitika ba ang mahalaga bago ang ekonomiya? Kung gayon, bakit di muna natin linawin ang aspetong ito?
Napakainit ngayon ng mga usapin sa pulitika. Araw-araw, sa mass media at social media, nagpapalitan ng iba’t ibang pananaw ang mga pinuno at opisyal ng gobyerno at ang kanilang mga kritiko. Nakukuha pa ngang magbiro o magpahayag ng pangulo hinggil sa kung sino ang nais daw niyang pumalit sa kanya. Si Senador Koko Pimentel naman, nagpahayag ng 6 na pangalan para raw sa PDP slate na tatakbo sa Senado sa taong 2019.
Maaga raw masyado ang mga pagpahayag na ito at tama na raw muna ang pulitika, sabi ng iba. Magtrabaho na raw muna ang mga mambabatas at matagal pa naman ang halalan, isantabi muna ang pulitika.
Naiiling din ako sa ilang mga nangyayari lalo na sa pahayag ng ating senador, subalit baka mas dapat unawain, kung bakit niya nasabi iyon. Higit sa lahat, dapat linawin ang isang mahalagang bagay—na hindi lamang tungkol sa pulitika ang halalan.
Alam ba niyong sa pormal na pag-aaral ng pulitika, ito ang isang karaniwang pakahulugan o depinisyon ng nasabing terminolohiya:
“The study of the authoritative allocation of values.” Sa wikang Filipino, ito ang otoritatibong pag-aaral ng pagbabahagi ng yaman sa lipunan. Sa ibang salita, ito ang pag-aaral ng alokasyon ng mga yaman batay sa kapangyarihan. Isang porma lamang kasi ang kapangyarihan ang authority. Tungkol ito sa kung paano napakikilos, napasusunod, o napasasang-ayon sa isang layunin ang mga tao batay sa isang panunungkulan sa pamahalaan.
Sa kabilang banda, alam ba niyo na ang ekonomiks naman ay tungkol sa “authoritative allocation of scarce resources”—ang otoritatibong pagbabahagi o alokasyon ng yaman o mga bagay na may halaga sa lipunan.
Sa madaling salita, magkapatid ang pulitika at ekonomiks. Kapwa sila tungkol sa alokasyon ng yaman o mga kagalingang panlipunan. Sa huling paglilimi, kapwa sila tungkol sa kaginhawaan ng ating pamumuhay sa lipunan. May pagdiin nga lamang ang pulitika sa usapin kung paano magagamit o ginagamit ang kapangyarihan.
Tama naman kung gayon na pag-usapan lagi ang pulitika at ang totoo, walang makaiiwas sa pulitika. Walang makaiiwas dito dahil tungkol ito sa kapangrihan at ang kapangyarihan ay tungkol sa pagpili, pagdedesisyon, at pagpapatupad ng mga desisyon. Kung gayon, sakop tayong lahat ng pulitika, lalo na kung tungkol sa ekonomiks ang partikular na sa paksang ito.
Ang tanong lamang, paano naman makatutulong sa ngayon sa ating ekonomiya ang paglalahad na may 6 na personalidad na napipisil ang PDP Laban para sa senado? Halimbawa na, may balitang 90% ang binagsak ng foreign investments sa bansa kumpara noong nakaraang taon. Ano naman ang halaga ng magiging eleksyon sa taong 2019 sa bagay na iyo? Tila wala nga. Sa partikukar, pamumulitika lang ang tawag sa ginagawang ito.
Hindi nga ba napakaaga ng pamumulitikang ito? Baka magandang pagtuunan muna ng mga pinuno natin ang mga usaping pangkabuhayan sa bansa bago pa ang eleksyon. Ayusin muna natin ang ating ekonomiya, kaibigan.
Subalit, sa huling pagsusuri, ito ring ekonomiya ay kapatid lamang ng pulitika. May mga desisyon o patakarang dapat ayusin para maalagaan ang ating kabuhayan.
Mahalaga ang pulitika. Walang makaiiwas sa pulitika. Ang pinakamahalaga ngayon, ayusin muna natin ang ating ekonomiya, bago ang pulitika.