Ni: Kristian Mariano
DAPAT nga bang ikabahala ng mga Pilipino kung totohanin ng North Korea ang banta nito na tirahin ang Estados Unidos? Naging mainit na usap-usapan ang palitan ng banta ni US President Donald Trump at North Korean leader Kim Jong Un noong Agosto na ikinabahala ng ilang mga Pilipino dahil sa posibilidad na madamay ang Pilipinas sa nakaambang giyera ng dalawang nasyon.
Nagsimula ito ng magpahayag si Donald Trump ng “Fire and fury like the world has never seen” sa kalagitnaan ng missile launch test sa Pyongyang. Sumagot ang North Korea ng banta na pasasabugin ang Guam na teritoryo ng US sa western Pacific.
Ang US at Japan ay may missile defense systems sa Asia Pacific bilang depensa sa North Korea. Maihahalintulad ang kasalukoyang sitwasyon sa Cuban Missile Crisis – paghaharap sa pagitan ng US at Soviet Union noong 1962 dahil sa pagkakaroon ng nuclear weapons sa Cuba.
Samantala, kinondena rin ng Pilipinas ang missile tests ng North Korea. Tinawag ni President Rodrigo Duterte na “fool” at “son of a bitch” si Kim Jong Un noong Agosto 2 dahil sa missile tests. Tila naman nagbago ang ihip ng hangin ng i-welcome ng pangulo ang North Korean Foreign Minister na si Ri Yong-Ho noong Agosto 8. Sinabi ni PRRD kay Ri na “We would be a good dialogue partner.” Ipinahayag ng Pilipinas na bukas tayo sa North Korea.
Sa kasalukuyan, ilang araw ng hindi nagsalita sa publiko si Pangulong Trump hinggil sa NoKor at mas pinili nitong tumuon sa health care policy ng bansa. Dati ng sinabi ni Trump na kapag mabigo ang pagtangkang mapatigil si Kim Jong-un sa programa nito sa nukleyar sa diplomatikong paraan, mapipilitan umano ang pangulo ng Amerika na mamagitan gamit ang militar.
Paano maaapektuhan ang Pilipinas
May posibilidad na madamay ang Pilipinas kung sakaling humantong sa all-out war ang gulo sa pagitan ng US at North Korea. Ayon kay Prof. Lucio Pitlo III, consultant sa UP Korea Research Center, walang matibay na relasyon ang Pilipinas sa North Korea or the Democratic People’s Republic of Korea (DPRK). Mas kilala ang bansa sa pagkakaroon ng magandang relasyon sa US at South Korea. Walang embahada ang North Korea sa bansa.
Ang pagkakaroon ng mga pasilidad ng Estados Unidos sa bansa ay tatak ng alyansa ng US at Pilipinas. Ang pagpapadala ng mga sundalo ng Amerika sa bansa upang magsanay ay maihahalintulad sa relasyon ng US at South Korea na kaaway ng North Korea.
Direktang maaapektuhan ang mga Pilipinong ngayon ay nagtatrabaho o naninirahan sa South Korea. Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), may 65,000 na Pilipino ang naninirahan sa South Korea.
“The lives of many Filipinos in [South] Korea, which is about 60,000 as of May 2017, are now in danger. If North Korea goes into an all-out war, then we will be greatly affected. Filipinos’ lives will be at risk. Mostly comprised of migrant workers, Filipinos will be forced to go home without finishing their contract and possibly go home jobless in the [Philippines],” ayon sa Korean Studies professor na si Michelle Palumbarit.
Pwersa ng NoKor vs RP
Makikita na malaki ang lamang ng North Korea sa Pilipinas pagdating sa budget at kagamitan pandigma dahil halos 20% ng kabuuang budget ng bansa ay nakalaan sa pangangailangang militar.
North Korea | Philippines | |
Nuclear Weapons | <10 warheads | 0 |
Military Budget | $15 billion | $3 billion |
Active personnel | 1 190 000 | 125 000 |
Reserve personnel | 600 000 | 131 000 |
Available for military | 6 515 279 | 25 614 135 |
Tanks | 6 000 | 0 |
Armoured fighting vehicles | 4 000 | 672 |
Total artillery | 13 000 | 323 |
Self-propelled artillery | 4 500 | 0 |
Rocket artillery | 5 000 | 0 |
Total aircraft | 906 | 221 |
Fighter aircraft | 349 | 2 |
Multirole aircraft | 35 | 0 |
Attack aircraft | 154 | 23 |
Helicopters | 202 | 124 |
Total naval | 525 | 132 |
Frigates | 6 | 4 |
Corvettes | 6 | 12 |
Submarines | 75 | 0 |
Ayon sa: ArmedForces.eu
Ayon kay Mel Sta. Maria, Jr., dean ng Far Eastern Univeristy Institute of Law, maari din umanong madamay sa digmaan ang Pilipinas kung imbokahin ng Estados Unidos ang Mutual Defense Treaty (MDT) at Enhaced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa pagitan ng Pilipinas at ng naturang bansa. Bagama’t wala umanong pwersa militar na maiaambag ang Pilipinas kung magkaroon nga ng digmaan sa pagitan ng US at North Korea, maari naman sa mga base militar ng Pilipinas magre-fuel ang mga warship at warplanes ng U.S.
Dahilan rito, may mga nangangamba na maaaring maging target ang Pilipinas ng NoKor.
Ngunit, ayon pa sa analista, kinikilala ng MDT na anumang suporta na idedeklara ng bansa ay kinakailangang umayon sa Philippine Constitution at sa UN Charter.
“In case a U.S public ship is attacked (in the Pacific), the Philippines must declare our support for US but the extent of support is subject to the Philippine Constitution and UN Charter. Support can very well be a public declaration of support without more,” paliwanag pa ni Sta. Maria.
Handa ba ang mga Pilipino sakaling lumala ang tensyon sa pagitan ng dalawang bansa? Hindi naman sumasagi sa isip ng ilang Pilipino ang nakaambang giyera sa pagitan ng North Korea at US. Ayon sa ilang Pilipino, mas dapat bigyan ng pansin ang mga lokal na isyu kaysa sa mga isyung panlabas.