Ni: Beng Samson
“If you can dream it, you can do it, (Kung kaya mo itong pangarapin, kaya mo itong gawin),” makabuluhang wika ng sikat na si Walt Disney.
Marami ang na-inspired sa mga katagang ito, nangunguna na ang mga sumabak sa negosyo mula sa iba’t ibang lahi, kasama na ang mga ‘Pinoy. Ngunit, karamihan sa mga ordinaryong nangangarap magkaroon ng sariling negosyo ay pare-pareho ang problema—
puhunan. Pero ika nga nila, “madiskarte raw ang mga pinoy’’, maabilidad. May iba’t ibang gimik para lang kumita.
May pera raw sa basura
Pinatunayan ng grupong ‘REX Ladies’ na kayang isabuhay ang kasabihang ito. Ang grupo ng kababaihan sa Lungsod ng Valenzuela na abalang-abala ngayon sa kanilang negosyo mula sa kanilang malikhaing isipan. Mula sa mga palara ng kape, gatas, at sitsirya ay nakagagawa sila ng mga makukulay na bag at pitaka.
Naaalala pa ni Loreta Colibao, pangulo ng nasabing grupo sa Barangay Gen. T. De Leon, ng nasabing lungsod, ay kung paano nila inumpisahan ang kabuhayang ito. Aniya, hangad ng kanilang grupo na matulungan ang mga kababaihan sa kanilang lugar na walang trabaho. Kaya’t nang magkaroon ng kaunting puhunan, agad silang dumalo sa ilang seminar para matutong gumawa ng strips at doon nga sila nakabubuo ng iba’t ibang produkto.
Ayuda ng pamahalaan
Dahil sa kanilang abilidad at kinakitaan ng husay sa paggawa, iba’t ibang sangay ng gobyerno ang tumulong sa pangkat upang lalong mapabuti ang proyekto. Binigyan sila ng tulong pinansiyal at mga makinang panahi ng Department of Labor and Employment (DOLE). Pagpapahusay ng kalidad ng produkto – pagpili ng kulay at materyales – ang tulong ng Department of Trade and Industry (DTI). Inalalayan naman sila ng Department of Science and Technology (DOST), sa pagpapaganda ng kanilang mga disenyo at paraan ng pagbenta. Ang dating tatak ng kanilang produkto na “Basura Mo, Buhay Ko”, binago at ginawang “Ecological Creations”, upang maging mas mapanghikayat kahit sa ibang bansa.
Ngayon, hindi lamang ang grupo ang kumikita kung di pati mga kababaihan sa iba’t ibang barangay ng kanilang lungsod na nangangailangan ng pagkakakitaan. Ang kanilang 25 suppliers ng mga strips (mga palarang itinupi’t pinagdugtong-dugtong upang maging mahahabang malalubid na piraso), ay kanilang binabayaran ng 5 piso bawat isa.
Kuwento ni Maricel Castillon, may-bahay at isa sa mga supplier: “Nakagagawa po ako ng 300 strips sa isang buwan”.
Malayo na ang nararating
Nagsisimula ang presyo ng mga likha nilang pitaka sa 30 piso at tumataas depende sa laki at halaga ng mga palamuting kakabit nito. Taong 2015 nang magsimula ang kanilang negosyo at kung dati ay sa barangay lang nila sila nakabebenta, ngayon ay (literal at matalinhagang), malalayo na ang nararating nito tulad ng Pampanga, Mindanao, Maynila at maging sa ibang bansa – Japan at Dubai. Dahil sa malaking tagumpay na inaani ng grupo, naniniwala silang patuloy pa itong lalago. Higit sa lahat, ipinagmamalaki nilang hindi lamang sila nakatutulong sa mga ina ng kanilang lugar, kung di maging sa inang kalikasan.
Sipag at tiyaga lang ba ang kailangan?
Ayon sa iba, makailang ulit na silang sumubok pumasok sa pagnenegosyo. Pero ‘malas’ daw sila. Kaya ang tawag nila sa mga successful businessman ay ‘swerte’. Kailangan iyon (swerte), anila kapag nagnegosyo ka.
“Mahalin mo lang ang negosyo mo, pagsumikapan mo, pag-aralan mong mabuti, at kailangan hands on ka,” ito ang payo ni Arlene Suarez mula sa Kapitolyo, Pasig City sa mga nais magbukas ng negosyo, malaki man o maliit ito.
Nasa ika-11 taon na ngayon ang negosyo ng authorized dealer na si Arlene. Nag-franchise siya ng isang kilalang malamig na inumin na may iba’t ibang flavor.
“Mahalagang mapag-aralan mong mabuti kung ano-anong mga bagay ang dapat mong i-consider at bigyang-pansin para umunlad ang iyong negosyo. Importante ang mga ito kung gusto mo talagang kumita at magtagal sa negosyo pa,” dagdag niya.
“Parang hindi naman po swerte, sipag at tiyaga lamang po ang aking ginawa,” ayon naman kay Marilou Aguilar, 52 anyos, ng Malabon City, na sa loob ng 6 na taon ay napagtagumpayan ang piniling negosyo ng pananahi.
Nagrerenta lamang si Marilou ng mga makinang panahi at lugar ng tahian nang magsimula siya sa kanyang patahian ng mga pantalong maong taong 2011. Ngayon, bukod sa sarili na niya ang mga makina at lugar ng tahian, hindi na siya magkandaugaga sa dami ng order ng sinusuplayan niyang kilalang pamilihan, ang SM Malls.
Payo ng eksperto
May payo naman si Roel Manarang, may-ari ng maraming negosyo sa bansa, founder at publisher ng Tycoon.ph, ang award-winning business at finance blog sa Pilipinas, sa mga nais pumasok sa pagnenegosyo o sa mga negosyanteng pinanghihinaan ng loob, “Walang short-cut sa pagtatagumpay sa negosyo kung wala itong kasamang determinasyon at pagsusumikap,” aniya.
Marami umanong matatagumpay na mga negosyante ang dumanas muna at humarap sa matitinding mga sitwasyon bago sila lumago. Ngunit dahil naniniwala sila sa kanialng produkto o serbisyo, nalampasan nila ang mga ito at napagtagumpayan.
Ani Manarang, “Some entrepreneurs come from rags to riches and their stories somehow inspire other entrepreneurs to success”.