PINAS

Tatlong maling pakahulugan tungkol sa pagkain

Nina: Joyce P. Condat at Leriecka Endico

Sa paglipas ng mga taon, parami na nang parami ang nagiging health conscious sa kanilang mga sarili. Malaking impluwensiya nito ang social media kung saan nagiging viral ang mga posts na tungkol sa pagpapanatili ng healthy lifestyle. Karamihan sa mga ganitong posts ay nagmumula sa Instagram (IG).

Ito ang 3 maling pakahulugan tungkol sa pagkain na madalas nating makita sa social media.

Mainam sa kalusugan ang low-fat na pagkain. Maraming tumatangkilik sa low-fat na mga pagkain dahil sa pag-aakalang mas mainam ito sa katawan, lalo na sa mga nagpapapayat. Karamihan sa mga yogurt at snacks ay low-fat ngunit wala itong saysay kung may mataas itong sugar at salt content at may halong additives.

Nakakalusog ang pag-inom ng smoothies at fruit juice. Kaaya-ayang tignan sa IG ang larawan ng mga smoothies at fruit juice sa magagandang mason jars. Ayon sa panayam ng Mashable kay Jennifer Calo, isang dietitian sa Compass Nutrition, mas maigi kung kainin na lamang ang mga prutas sa halip na gawin itong smoothie. “When you juice fruit, you strip out the fiber, causing a more rapid spike in blood sugars and insulin levels.”, aniya. “Juicing multiple fruits at once is definitely too much sugar from the fructose.”

Magandang substitute ng asukal ang agave syrup. Masama ang labis na asukal, kaya’t marami sa atin ang naghahanap ng pamalit para rito. Ayon kay Lauren Thomas, isang dietitian mula sa Compass Nutrition, ang agave syrup ay may parehas na dami ng calories gaya ng normal na asukal at honey. Aniya, mas maganda kung babawasan ang sugar intake sa lahat ng klase ng asukal kahit natural sweetener pa ito.

Hindi lahat ng nakikita sa internet ay dapat gayahin. Marahil epektibo ito sa ibang tao, ngunit hindi nangangahulugang magiging epektibo rin ito sayo. Mas maganda pa ring magpakonsulta sa dietitian upang malaman mo ang akmang uri ng diyeta na dapat mong sundan.